PACC BINATIKOS NI CONG. TAN SA ‘WALANG BASEHANG PARATANG’

REP TAN

Makaraan ang isang araw lamang nang magpahayag ng suporta kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kondisyon nito na ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung makapagbigay ang Estados Unidos ng minimum 20 million doses ng bakuna para sa novel coronavirus disease (Covid-19), mahigpit na binatikos ni House Committee on Health chairperson Dr. Angelina “Helen” Tan nitong Martes ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa pagbigay ng “walang basehang” ulat sa Punong Ehekutibo na idinawit ang pangalan ng kongresista sa diumano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Ang inilabas na ulat kamakailan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na idinawit ang aking pangalan sa diumano’y katiwalian kaugnay sa palpak na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na binanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ‘Talk to the Nation’ noong 28 December 2020, ay hindi lamang mapanirang-puri kundi nagpapahamak dahil sa kakulangan nito ng ebidensya— isang katotohanan na tinukoy mismo ng Pangulo sa kanyang talumpati at ako ay labis na nalulungkot sa paratang sa akin,” pahayag ni Tan, na kumakatawan sa ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Tan, ang naturang “walang basehang akusasyon” laban sa kanya ay nag-ugat sa Gumaca Bypass Road, isang infrastructure project na kanyang isinulong noon pang 2016.

Inilahad ng mambabatas na ang P800-million project ay pangunahing dinisenyo upang maibsan ng 20 minutong paglalakbay ang mga motorista sa Gumaca, Quezon.

Kaugnay nito, mababawasan ang heavy traffic sa lugar, mapapasigla ang ekonomiya, makakahikayat ng investors na magbibigay ng mga trabaho at mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.

Kanyang idinagdag na ang nasabing proyekto ay magpapabilis din sa pag-angat ng ekonomiya ng mga karatig na lalawigan dahil sa mas mabilis nang pagbibiyahe, lalo na sa mga naglalakbay sa rutang Manila-Bicol route at pabalik.

Ipinaliwanag ni Tan na kahit hindi pa kumpleto at gawa, nagagamit na ang nasabing kalsada bilang alternatibong ruta para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Gumaca.

“Noon pa man ay umaasa ako na ang proyektong ito ay matatapos sa loob ng limang taon na nakasaad sa kontrata,” aniya. “Naging masinop ako sa pagtitiyak na ang proyekto—mula sa pagpaplano nito hanggang sa paglalabas ng pondo—ay dumaan sa maayos na pamamaraan upang masiguro na pakikinabangan ito ng aking mga nasasakupan at ng mga karatig lalawigan.”

Ayon kay Tan, kabilang ang kanyang proyekto sa mga itinalang “deliverables” ng DPWH na nailathala sa kanilang official website.

“Dumaan ito sa tamang proseso at naging maingat po tayo para mailagay ang pondo sa tama. Sa maikling salita, hindi po ako dito nakikinabang. Hawak na po ng DPWH ang pondo para ang proyektong ito ay maisakatuparan. Kung nagkaroon man ng problema sa konstruksyon, hindi ba’t nararapat lamang na tanungin dito ang DPWH dahil sila naman ang nangangasiwa sa proyekto?” diin ni Tan.

Nilinaw ni Tan na malinis ang kanyang konsensya at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang ganap nang matuldukan ang isyung ito.

Comments are closed.