AMINADO ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na kabilang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) sa kanilang iniimbestigahan sa katiwalian, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi lamang nakasentro sa entrapment sa BIR at BOC ang operasyon ng PACC, sinisimulan na rin nitong tutukan ang pang-aabuso at pangungu-rakot ng ilang opisyal na maaaring isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng tax collections.
Kabilang dito ang patuloy umanong pangongotong sa mga taxpayer, pagkuha ng komisyon, under the table negotiations, at iba pang uri ng raket na mas malaki ang ibinubulsa kaysa sa ipinapasok sa kaban ng bayan.
Matatandaan na noong pag-upo pa lamang ni Duterte sa Malakanyang ay maraming matataas na opisyal ang nasibak agad sa puwesto dahil sa kati-walian at sunod-sunod din ang dinakip sa entrapment operations sa harap ng masidhing kampanya ng PACC.
Sinabi ng source na nagsimula na ring gumulong ang imbestigasyon sa mahigit sa 100 opisyal at kawani ng BIR dahil sa hindi pagpasok para lamang dumalo sa isang golf tournament sa Baguio City kamakailan.
Una nang sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na tinatayang nasa 50 hanggang 80 government executives mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang nahaharap sa posibleng pagsibak sa kanilang puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iregularidad.
Umabot sa 411 cases noon lamang nakalipas na taon, ayon kay PACC Chairman Dante Jimenez, ang inimbestigahan ng nasabing tanggapan at pin-akamarami rito ay mula sa Department of Public Works and Highways, government-owned and controlled corporations, Department of Environment and Natural Resources, BIR, BOC, Department of Agriculture, Department of Foreign Affairs at Department of Transportation.
Ang ‘lagayan’ sa BIR-BOC ay natigil sa simula ng panunungkulan ni Panagulong Duterte, subalit unti-unti itong nanumbalik kaya pinakilos ng Malacañang ang PACC para tugisin ang mga korap at makasuhan at mapatalsik ang mga ito sa serbisyo.
Sinisiyasat din ng PACC ang report sa umano’y nagaganap na ‘hijaking’ sa tax cases (agawan at mabilisang pagtatapos ng tax cases) sa BIR na ugat ng ‘lagayan system’ at iba pang katiwalian.
Ang PACC, sa pamamagitan ng Executive Order No. 43, ay binigyan ng mandato ni Presidente Duterte para labanan at sugpuin ang korupsiyon sa lahat ng departament, bureaus, offices at iba pang sangay ng gobyerno.
Determinado si Pangulong Duterte na sugpuin ng PACC ang anumang katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa panahon ng kanyang pa-nunungkulan.
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.