NAGBUHOS si Pascal Siakam ng 37 points, 11 rebounds at 6 assists at naitabla ng Indiana Pacers ang kanilang first-round Eastern Conference playoff series sa impresibong 125-108 panalo laban sa host Milwaukee Bucks sa Game 2 noong Martes ng gabi.
Nagdagdag si Myles Turner ng 22 points, 7 rebounds, 6 assists at 3 blocked shots para sa sixth-seeded Pacers, na pinutol ang 10-game postseason losing streak magmula pa noong 2018.
Umiskor si Andrew Nembhard ng 20 points, nagtala si Tyrese Haliburton ng 12 points at 12 assists at gumawa si Aaron Nesmith ng 11 points at 7 assists para sa Indiana, na may 38 assists sa 50 ipinasok na baskets.
“We played with more force and we played with more attitude,” sabi ni Pacers coach Rick Carlisle. “There were some tough stretches in the game. I like the way we kept our poise and our aggression. And we kept attacking. It’s a long series.
We’re going to have to find a way to keep our edge. Sitting on a win like this for two days is going to be challenging.
I’m proud of the guys. I’m proud of the bounce-back.”
Tumipa si Damian Lillard ng 34 points at nagdagdag si Brook Lopez ng 22 para sa third-seeded Bucks. Ang bawat player ay nagsalpak ng anim na 3-pointers.
Ang Milwaukee ay muling naglaro na wala si star Giannis Antetokounmpo (calf).
Nakatakda ang Game 3 ng best-of-seven series sa Biyernes sa Indianapolis.
Timberwolves 105,
Suns 93
Umiskor si Jaden McDaniels ng 25 points sa 10-for-17 shooting upang tulungan ang Minnesota Timberwolves na pataubin ang Phoenix Suns sa Game 2 ng kanilang Western Conference quarterfinals series sa Minneapolis.
Tumapos sina Mike Conley at Rudy Gobert na may tig-18 points para sa Minnesota, na kinuha ang 2-0 lead sa best-of-seven series.
Nagwagi ang Timberwolves ng double digits sa kabila ng subpar night mula kay fAnthony Edwards, na bumuslo ng 3 of 12 mula sa field subalit tumapos na may 15 points, kabilang ang 7-of-8 success sa free-throw line.
Nanguna si Devin Booker para sa Suns na may 20 points sa 6-for-13 shooting, bagama’t 1-for-6 siya mula sa 3-point range. Tumapos si Kevin Durant na may 18 points at umiskor si Bradley Beal ng 14, subalit nagtala ang dalawa ng magkasamang 12 of 32 mula sa field.
Na-outscore ng Minnesota ang Phoenix, 55-42, sa second half upang kunin ang panalo.
Mavericks 96,
Clippers 93
Humataw si Luka Doncic ng 32 points at 9 assists at nagdagdag si Kyrie Irving ng 23 points upang pangunahan ang Dallas Mavericks sa panalo kontra Los Angeles Clippers sa Game 2 upang itabla ang kanilang first-round playoff series.
Tumabo si P.J. Washington ng 18 points at kumabig si Derrick Jones Jr. ng 10 para sa Mavericks na nakabawi mula sa double-digit defeat sa Game 1 noong Linggo, nang maghabol sila sa hanggang 29 points at umiskor lamang ng 30 sa first half.
Nagtuwang sina Doncic at Irving ng 19 of 44 (43.2 percent) sa laro makaraang magkumahog sila sa decisive first half ng Game 1 nang bumuslo lamang sila ng 5 of 19 (26.3 percent).
Lilipat ang serye sa Dallas para sa Game 3 sa Biyernes.
“It’s always going to be a battle,” sabi ni Doncic sa TNT. “We knew we had to make noise in the second game. The first game wasn’t our best game, so we had to come out here and prove we could play with them.”
Umiskor sina James Harden at Paul George ng tig-22 points para sa Clippers na nabigong samantalahin ang pagbabalik ni Kawhi Leonard. Si Leonard, hindi naglaro magmula noong March 31 dahil sa right knee inflammation, ay nakakolekta ng 15 points sa loob ng 35 minuto.