PACERS NILAMBAT NG NETS

NAITALA ni Kyrie Irving ang 10 sa kanyang 22 points sa fourth quarter at naging matagumpay ang kanyang season debut sa Brooklyn Nets nang malusutan ang 19-point deficit para sa 129-121 panalo kontra  host Indiana Pacers, Miyerkoles ng gabi.

Nagbalik si Irving bilang part-time player dahil sa pagiging unvaccinated laban sa COVID-19 at sa vaccine mandate sa New York City, na pumipigil sa kanya sa paglalaro sa home games. Nadominahan niya ang fourth quarter at pinutol ng Nets ang season-high three-game losing streak.

Nanonood ang kanyang amang si Drederick sa courtside, si Irving ay bumuslo ng 9 of 17 mula sa field sa 31:59 na paglalaro. Ito ang kanyang unang aksiyon magmula sa Game 4 ng Eastern Conference semifinals sa Milwaukee nang ma-injure ang kanyang ankle.

Nanguna si Kevin Durant para sa Nets na may 39 points, 8 rebounds at 7 assists para sa Brooklyn na bumuslo ng 56.3 percent at naipasok ang 13 sa 19 shots sa fourth. Nagdagdag si James Harden ng 18 habang tumipa si LaMarcus Aldridge ng 13.

HEAT 115, TRAIL BLAZERS 109

Bumanat si Max Strus ng 7-of-13 mula sa 3-point range at umiskor ng team-high 25 points sa kanyang pagbabalik, at sumandig ang Miami sa 18-4 run sa fourth quarter para pataubin ang host Portland.

Sa likod ng shooting nina Strus at Duncan Robinson, na kapwa bumalik mula sa health and safety protocols, nagsalpak ang Miami ng 19-of-41 mula sa 3-point range. Naitala ni Robinson ang lahat ng kanyang 12 points mula sa bench sa 4-of-6 shooting mula sa tres.

Naghabol ang Portland sa halos buong gabi, at ng hanggang 19 points sa second quarter. Subalit sa likod ni Anfernee Simons, ng nagbuhos ng game-high 28 points, natapyas ng Blazers ang deficit.

MAVERICKS 99, WARRIORS 82

Tumirada si Luka Doncic ng game-high 26 points at nadominahan ng Dallas ang bisitang Golden State mula sa 3-point at free-throw lines sa panalo sa gabing iniretiro ng hosts ang numero ni  Dirk Nowitzki.

Nagtala sina Dorian Finney-Smith at Tim Hardaway Jr. ng pinagsamang  31 points at anim na  3-pointers sa ika-4 na sunod na panalo ng Mavericks. Nakalikom si Finney-Smith ng 17 points sa 4-of-7 shooting mula sa long range, habang tumipa sina Jalen Brunson ng 15 points at Hardaway ng 14 para sa Mavericks, na 1-11 ngayong season kapag nalimitahan sa under 100 points.

Nalimitahan ng depensa ng Dallas si Stephen Curry sa 1-for-9 shooting sa 3-pointers at ang Golden State sa 5-for-28 overall mula sa arc, at na-outscore ang bisita, 36-15, sa tres.

Sa iba pang laro, dinispatsa ng Raptors ang Bucks, 117-111; naungusan ng Spurs ang Celtics, 99-97; dinurog ng Hornets ang Pistons, 140-111; binomba ng Rockets ang Wizards, 114-111; pinatahimik ng Timberwolves ang Thunder, 98-90; kinalawit ng Hawks ang Kings, 108-102; pinataob ng 76ers ang Magic, 116-106; at pinapak ng Jazz ang Nuggets, 115-109.