‘PACIFIC RING OF FIRE’

ORO MISMO

NAG-ABANG ako kung tutunog ang a­king cellphone pagsapit ng alas-4 ng umaga noong Sabado, pero wala akong natanggap na text message alert mula sa NDRRMC.

Inaasahan kasi natin na makikiisa ang mga telco (telecommunication companies) gaya ng Globe at Smart para magpadala ng mensahe o kaya ay tutu-nog ang mga cellphone ng lahat ng mga subscriber at padadalhan ng text message alert pagsapit ng alas-kuwatro ng mada­ling araw.

Kaugnay ito ng ikalimang metrowide earthquake drill sa layunin na sanayin ang publiko sa kung ano ang dapat gawin kapag may lindol sa oras ng pagtulog.

Ayon kay MMDA Disaster Risk Reduction and Management chief Michael Salalima, dapat mag-‘duck, cover and hold’ ang mga residente kapag narinig na ang alarma bilang paghahanda sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila.

Ano kaya ang nangyari sa kanilang kasunduan with telcos? Bakit pati ang mga kasama ko sa bahay at ibang ka­kilala ay wala ring natanggap na alert messages?

o0o

Kailangan talaga ang ganitong mga paghahanda dahil ang Filipinas ay isa sa mga bansang nasa ‘Pacific Ring of Fire’.

Ang Pacific Ring of Fire ay isang bahagi ng mundo na matatagpuan sa Karagatang Pasipiko kung saan mayroong halos 452 na bulkan at nagdudulot ng mga pagya­nig sa lupa at sa ilalim ng karagatan. Ang Pacific Ring of Fire ay may sukat na 40,000 kilometro.

Ang bilang ng mga aktibong bulkan sa bahagi ng mundong ito ang nagbibigay dahilan kung bakit madalas ang pagyanig o paglindol sa mga bansang napaliligiran ng Ring of Fire.

Tinatayang mahigit 90% ng mga lindol ay nagmumula sa bahagi ng mundong ito at 15% ng mga pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ay nagmumula rito.

Ang ring of fire ay bunga ng paggalaw ng tectonic plates na patuloy na nagbabanggaan at nagdudulot ng mga pagyanig at pagsabog ng mga bulkan.

Ang ilan sa mga bansang bahagi ng Pacific Ring of Fire ay Chile, Japan, An­tarctica, Russia, Papua New Guinea, Indonesia, Canada, Peru, Taiwan, Philippines at Guatemala.

May tatlong pangunahing bulkan na makikita sa Pacific Ring of Fire. Ang Mount St. Helens sa USA, Mount Fuji sa Japan at ang Mount Pinatubo sa Filipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *