PACMAN AT JACK MA  MAY MAGANDANG PLANO SA BANSA

Magkape Muna Tayo Ulit

AYUN naman pala. Ang naging viral na video nina boxing champion Senator Manny Pacquiao at ang bilyonaryong Tsino na si Jack Ma ay nagbunga pala ng magandang plano para sa Filipinas. Naging usap-usapan kasi ‘yung video nilang dalawa kung saan tila tinuturuan ni Pacman si Jack Ma ng boksing sabay hamon kay Floyd ‘Money’ Mayweather sa posibleng suntukan sa susunod na taon.

‘Yun pala ang pagkakaibigan ng dalawang mga sikat na perso­nalidad sa mundo mula Asya, ay may pinag-uusapan na maaring makapagbigay trabaho sa maraming Filipino.

Si Jack Ma ang nagtaguyod ng kilalang Alibaba Group. Ito ay isang Chinese multinational conglomerate na may hawak ng e-commerce, internet at teknolohiya. Pinangalanan ang Alibaba bilang isa sa pinakahinahangaan na kompanya ng mundo sa pamamagitan ng kilalang pahayagan na Fortune magazine.

Tila nagkaroon ng kasunduan si Sen. Pacquiao at Jack Ma na magtayo ng malaking logistics at e-commerce company sa Filipinas na maaring makapagbigay ng trabaho sa ating mga Filipino. Paliwanag ni Pacquiao na si Jack Ma, na Ma Yun sa pangalang Tsino, ay nagbigay interes na mag-invest sa Filipinas.

Dagdag pa ni Pacquiao na si Jack Ma ay itinuturing niya bilang isa sa matalik na kaibigan, ay nag-uusap na pala kung paano makapasok ang bilyonaryong Tsino sa Filipinas at magkaroon ng magandang negosyo at makatutulong sa pagbigay trabaho sa mga Filipino at makatulong din sa ekonomiya ng ating bansa.

Binisita pala ng i­lang ulit ni Pacquiao si Jack Ma sa kanyang bahay sa Hangzhou, China. Noong nakaraang linggo nandoon muli si Pacquaio upang ayusin na ang mga detalye para matuloy ang nasabing proyekto. Sinabi pa ni Pacquiao na maaring bumisita si Jack Ma sa General Santos City bago matapos ang taon na ito.

Nais pa yata ni Jack Ma na ang itatayo nilang kmpanya ay mga Filipino ang magpapatakbo  o ng operasyon at hindi mga Tsino. Magsisimula raw ang pagtaguyod ng nasabing kompanya sa General Santos City at unti-unting magkaroon ng mga opisina sa buong Filipinas na makakapag-empleyo ng maraming Filipino.

Paliwanag pa ni Pacquiao na kapag ma­ging matagumpay itong itatayo nilang negosyo ni Jack Ma, hindi lamang direktang em­pleyo ang makikinabang dito. Mangangailangan din sila ng mga supplier at manufacturer kapag lumaki nga ang nasabing e-commerce na proyekto.

Malapit sa puso nina Pacquiao at Ma ang kahirapan. Parehas kasi silang nagsimula sa wala at nagsumikap gamit ang kanilang ta­lento, sipag at tiyaga kaya inabot nila ang tugatog ng tagumpay. Hindi kaila sa atin kung saan nagsimula si Pacquiao. Nagpupulot ng mga gamit na bote’t garapa at sumasali sa mga laban ng boksing upang magkaroon ng pera sa pagtustos ng pangangailangan ng mahirap nilang pamilya.

Samantalang  si Jack Ma naman ay kaila­ngang magbisikleta ng mahigit na 70 kilometro araw-araw bilang isang tourist guide. Ginamit niya ang kakarampot na kita upang matustusan ang kanyang pag-aaral hanggang makatapos ng kolehiyo. Ilang beses din palang hindi natanggap sa trabaho si Jack Ma. Subali’t sa pagpupursige, umasenso siya sa buhay.

Maganda ang pilosopiya ni Jack Ma na sinabi kay Pacquiao bilang aral at pagganyak o motivation sa pagtaguyod ng negosyo. Sabi raw ni Ma na hindi  kailangan na marami kang alam upang maging matagumpay sa buhay at negosyo. Ang mahalaga ay makahanap ka ng tamang tao o empleyado upang gawing ng tama ang trabaho na gusto mong ipagawa. Mahalaga rin na ang lahat ng empleyado mo ay maganda ang samahan sa trabaho at parehas ang kanilang layunin upang umunlad ang kompanya kung saan sila nagtatrabaho.

Comments are closed.