LAS VEGAS — Kalabaw lang ang tumatanda.
Ito ang pinatunayan ni Filipino ring icon Manny Pacquiao nang madominahan si American challenger Adrien Broner sa kanilang WBA welterweight world title boxing match sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Gayunman, kung ang impresibong panalo ni Pacquiao laban kay Broner ay mag-uudyok ng rematch kay Floyd Mayweather ay nananatiling isang katanungan.
Pinanonood ni Mayweather sa ringside, ipinamalas ni Pacquiao ang kanyang dating lakas at bilis upang magaan na maitala ang unanimous decision laban kay Broner at mapanatili ang kanyang welterweight title. Ito ang ika-61 panalo sa makulay at matagumpay na career ni Pacquiao kung saan nagkampeon siya sa walong weight classes.
At tinuldukan nito ang anumang ideya ng pagreretiro matapos ang 24 taon bilang isang pro.
“The Manny Pacquiao journey will still continue,” ani Pacquiao.
Lumaban sa unang pagkakataon sa edad na 40, ang fighting senator ay nagwagi sa lopsided decision na kailanman ay hindi pinagdudahan ng malaking crowd na nagbunyi sa bawat suntok na kanyang naitatama.
Dalawang judges ang pumabor kay Pacquiao sa iskor na 116-112, habang ang ikatlo ay nagbigay ng 117-111. 120-108 naman ang iskor ng AP para kay Pacquiao.
Walang knockdowns, subalit naikonekta ni Pacquiao ang pinakamabibigat na suntok. Nahuli niya si Broner sa seventh at ninth rounds sa pamamagitan ng big left hands na nagpaatras dito.
“At the age of 40 I can still give my best,” wika ni Pacquiao. “Although I wanted to be aggressive more, my camp told me don’t be careless and to counter him and wait for opportunities.”
Si Pacquiao ay maliwanag na paborito ng crowd na umabot sa 13,025, na dumagsa sa MGM Grand Arena upang tingnan kung hindi pa rin kumukupas ang Filipino champ.
Tinangka ni Showtime announcer Jim Gray na paakyatin si Mayweather sa ring matapos ang laban at tanungin ang posibleng rematch kay Pacquiao, subalit tumanggi si Mayweather.
Ito ang unang laban sa U.S. sa loob ng dalawang taon ni Pacquiao, na muling nakasama si trainer Freddie Roach para sa laban na magdedetermina kung ano pa ang natitira sa kanya sa edad na 40.
Sa ringside punching stats ay lumitaw na si Pacquiao ay nakatama ng 112 sa 568 suntok, habang si Broner ay nagpakawala ng 295 suntok subalit nakakonekta lamang ng 50.
Hindi hihigit sa walong suntok ang naitama ni Broner sa anumang round, at isa lamang sa final round.
Matapos ang laban ay agad na ipinaalam ng Filipino senator sa buong mundo ang kanyang pagnanais na muling makalaban si Mayweather matapos matalo via unanimous decision sa kanilang showdown noong 2015.
“I’m willing to fight Floyd Mayweather again. If he is willing to come back to the ring,” ani Pacquiao.
“Tell him to come back in the ring and we will fight again.”
Comments are closed.