PACO PARK PRESENTS – Himig ng Wika: Konsiyerto ng Orkestrang Pinoy

ni Tristan Dyln Tano

MAYNILA, PILIPINAS – Ngayong taon, bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa, ikinagagalak naming ihatid sa inyo ang “Himig ng Wika: Konsiyerto ng Orkestrang Pinoy,” isang libreng konsiyerto na bukas para sa publiko. Ang konsiyertong orkestral, na inihanda ng Kagawaran ng Turismo, Pambansang Komite sa Pagpapaunlad ng mga Liwasan, at Sound Experience Manila, ay gaganapin sa 18 Agosto 2023, 06:00 pm, sa Paco Park.

Tampok sa konsiyerto ang Lasallian Youth Orchestra (LYO) mula sa De La Salle University–Manila, na pinamumunuan ng kanilang tagakumpas na si G. German de Ramos Jr.

Ang Lasallian Youth Orchestra (LYO) ay ang opisyal na orkestra ng De La Salle University. Sa loob ng mahigit na 30 taon, nakatuon ito sa pagpapaunlad ng talento ng mga kabataang musikero sa layuning magkaroon ng de-kalidad na mga pagtatanghal at pagtataguyod ng kanilang mga panlipunang adbokasi. Kilala ang orkestra sa mga pampubliko at pandaigdigang tanghalan, tulad ng CCP Band and Orchestra Festival sa CCP, International Jazz Festival sa Malaysia, at Asia Pacific Arts Festival sa Singapore. Kabilang sa mga miyembro ng Lasallian Youth Orchestra (LYO) para sa konsiyertong ito ay sina Gibson Diwa, Isaiah Perez, Nicole Leonardia, Aaron Jardenil, Matthew Manalo, Alfonso Declaro, Gino Tuaño, Kyle Francisco, Michelo Dipasupil, Emil Concepcion, Jon Llamado, Aero Cerezo, Shay Leonard, Jamie Casacop, Joseph Beltrano, Adriel Amoguis, at Lorenzo Querol.

Ang tagakumpas ng Lasallian Youth Orchestra (LYO) na si G. de Ramos ay isang beteranong musikero. Nagsimula siya sa murang edad na 11, at lalong pinino ang kaniyang husay sa UST Conservatory of Music sa ilalim ng patnubay nina G. Ramirez at Dr. Mendoza ng Philippine Philharmonic Orchestra. Nagtanghal din siya sa iba’t ibang panig ng mundo, ibinahagi ang kaniyang talento, at dinala ang kaniyang musika sa iba’t ibang bansa tulad ng Singapore para sa 18th ASEAN Youth Cultural Forum at Czech Republic para sa Fine Arts Camp Europe. Nakamit din niya ang kaniyang master’s degree sa St. Paul University Manila, kung saan siya ay kasalukuyang Director sa Musika at Resident Conductor ng Lasallian Youth Orchestra (LYO).

Bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa, na gumugunita sa ating kayamanang kultural na siyang nakaugat sa ating mayamang wika, maaasahan ng mga manonood ang isang gabi na puno ng masiglang pagtatanghal at mga awiting OPM mula sa ating tampok na orkestra, ang Lasallian Youth Orchestra (LYO).

Huwag palampasin ang espesyal na pagtatanghal na ito, ang “PACO PARK PRESENTS–Himig ng Wika: Konsiyerto ng Orkestrang Pinoy,” sa makasaysayang Paco Park sa ika-18 ng Agosto 2023, 06:00 pm.

o0o

Ang Paco Park Presents ay isa sa pinakamatagal na programang isinasagawa ng ahensiya, na tumanggap ng Catholic Mass Media Hall of Fame Award for Best Cultural Program noong 1988, kasama ang Concert at the Park. Ito ay nabuo noong 29 Pebrero 1980, mula sa mungkahi ni Cristoph Jessen – ang dating press and cultural attaché ng Embassy ng Federal Republic of Germany. Ang kaniyang bisyon ay magkaroon ng programang magtatampok sa mga artista at ideya ng parehong bansa, na magpapalakas sa ugnayan ng mga Pilipino at mga Aleman.