PACO POLICE CHIEF SINIBAK

TULUYAN ng sinibak sa kanyang puwesto ang hepe at maging ang buong mga tauhan ng Paco police community precinct ng Manila Police District (MPD) makaraang maaktuhan ang tatlong tauhan nito na tumatanggap ng lagay.

Mismong ang bagong talagang si Manila Police District (MPD) Director na si Brig.Gen. Andre Dizon ang nagbaba ng kautusan na sibakin sa puwesto ang hepe ng Paco Police kabilang ang mga tauhan nito nang maaresto ng PNP-IMG ang tatlong miyembro nito sa isinagawang entrapment.

Nag-ugat umano ang reklamo at operasyon ng PNP kaugnay sa isang motorsiklong na-impound ng Paco Police, kung saan humingi umano ng lagay ang mga naarestong pulis upang matubos ng mga biktima ang naturang motorsiklo.

Ayon kay Dizon, hindi nito kukunsintihin ang katiwalian sa kanilang hanay at patuloy na kakastiguhin ang sinumang pulis na mayroong hindi tamang ginagawa sa kanilang nasasakupan.

Dahil sa pagsibak sa kanilang posisyon ay pansamantalang babalik at mag-duduty sa MPD headquarters ang mga tauhan ng Paco PCP. PAUL ROLDAN