PADACA FOR VICE GOV

PADACA

ISABELA – MULING  sasabak sa politika si dating Isabela Governor at Commission on Elections (Comelec) Commissioner Grace Padaca sa kanyang pagtakbo bilang bise gobernador laban kay Isabela Gov. Faustino “Bojie” Dy III na katambal ni Isa­bela First District Rep. Rodolfo “Rodito” Albano III  bilang gobernador.

“Matapos ang apat na taong malayo sa politika at walang posisyon sa gobyerno, wala akong gaanong nagawa. Ngayong may pagkakataon na muling maglingkod, hindi ako tatalikod,” ayon kay Padaca.

Dagdag pa ni Padaca, “kahit kailan, wala naman akong hinahangad na kapangyarihan o mapunta sa tuktok. Palagi at mananatili itong tungkol sa aking magagawa upang makatulong sa pagpapairal ng isang pangangasiwang nararapat para sa ating mga kababayan. Batid kong isa na naman itong mahirap na laban.”

Ibinunyag din ng dating brodkaster na pumayag siyang maging katambal ni Isabela Third District Rep. Napoleon “Pol” S. Dy matapos ipakita ng huli na ito ay seryoso sa pagbulatlat ng katiwalian at mga ano­malyang ipinamayagpag sa Provincial Capitol sa ilalim ng panunungkulan ng kanyang kapatid na si Gov. Bojie Dy.

Bagama’t may mga agam-agam noong una, ayon kay Padaca, hinggil sa kanyang pakikituwang sa pagtakbo ni Congressman Dy, nagbago umano ito “noong napag-usapan na namin ang aktwal na pagsasampa ng mga kaso sa hukuman… upang ­ilantad ang walang-habas na iregularidad sa Kapitolyo.”

“May mga bagay na pinanggigilan kong gawin ngunit hindi ko kayang gawin. Nung nakita ko na tayo, ang mga mamamayan ng ­Isabela ay hindi na matiis na masdan ang pandarambong sa bilyon-bilyong pisong pera ng Isabela at inilalabas sa kaban ng bayan upang payamanin ang mga nasa poder, doon ko napagpasyahang bigyan ng pagkakataon ang grupo ni Pol Dy,” paliwanag ng dating gobernador.

Ayon pa sa iginagalang na tagasulong ng reporma, batid nito na may mga taong titingnan nang masama ang kanyang pakikipag-alyansa kay Cong. Dy, ngunit iginiit nito na ang kanyang laban kontra korupsiyon ay mas nakahihigit sa pananaw ng tao tungkol sa kanyang desisyon.

“Anong silbi ng political capital kung hindi natin isusugal para sa isang mas malaking hangarin?

Anong silbi ng reputasyon kung pananatilihin itong walang bahid para lamang sa personal mong pangalan sa huli habang ang iyong mga kababayan ay patuloy na pinagsasamantalahan at patuloy na nilalansi?”

Ikinatuwa naman ni Cong. Dy ang pagtanggap ni Padaca sa inialok na pagkakataong ma­ging katambal nito sa kanyang kandidatura at tinawag itong “Katuwang sa Pagbabago.”

“Sa piling ni dating Gov. Padaca, mas lalo pa kaming umaasang magtatagumpay sa ­aming kampanya upang tuluyan nang mapuksa ang katiwalian sa Isabela at tugunan ang mga ano­malyang ipinamamayagpag ng kasalukuyang pangangasiwa dito sa ­ating probinsiya,” ayon sa mambabatas.

Binigyang-diin din ni Cong. Dy na kung siya at si Padaca ang magtatagumpay sa 2019, hahabulin nila ang mga kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian sa Isabela.  PILIPINO Mirror Reportorial Team