BUMABA ang cash remittances na ipinadaan sa mga bangko ng 4.1 percent noong Agosto, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang cash remittances ng overseas Filipinos sa ipinadaan sa mga bangko ay bumaba sa $2.483 billion noong Agosto mula sa $2.589 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“Total cash remittances for the January to August period reached $19.285 billion or 2.6 percent lower than $19.808 billion in the same comparable period in 2019,” ayon sa BSP.
Sinabi pa ng central bank na ang remittances mula sa land-based at sea-based workers ay bumaba ng 1.9 percent.
Ang pagbaba sa remittances noong Agosto ay naitala sa Saudi Arabia, Japan at UAE. Bahagya itong napagaan ng pagtaas ng remittance mula sa United States, Singapore, at Malaysia.
Ang US ang nagtala ng pinakamalaking share sa kabuuang OF cash remittances sa 40.2 percent, kasunod ang Singapore, the United Kingdom, Japan, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Canada, Hong Kong, Taiwan, at Qatar.
Samantala, bumaba rin ang personal remittances — ang kabuuan ng transfers na ipinadala ng cash o in-kind sa pamamagitan ng informal channels — ng 4.2% sa $2.756 billion mula sa $2.875 billion noong Agosto 2019.
Ang personal remittances noong Agosto ay naghatid sa year-to-date figures sa $21.414 billion, mas mababa ng 2.6% mula sa $2.995 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ng BSP na ang pagbaba sa personal remittances ay sanhi ng pagliit ng perang ipinadala kapwa ng land-based at sea-based workers.
Ang remittances mula sa land-based workers na may work contracts na isang taon ay bumaba ng 4.6% sa $2.118 billion noong Agosto mula sa $2.221 billion noong nakaraang taon.
Gayundin ay bumaba ang remittances mula sa sea-based workers at land-based workers na may work contracts na mababa sa isang taon ng 2.2% sa $580 million mula $593 million year-on-year.
Nauna nang sinabi BSP Gov. Benjamin Diokno na maaaring bumaba ang dollar remittances ng hanggang 5% ngayong taon dahil sa pandemya.
Comments are closed.