PADALANG PERA NG OFWs LUMOBO

cash remittances

TUMAAS ang cash remittances ng overseas Filipino workers ng 6.9 percent noong Mayo kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang cash remittances o yaong ipinadala sa pamamagitan ng mga bangko ay pumalo sa $2.5 billion noong Mayo, dahilan upang umabot ang kabuuang cash remittances sa $11.8 billion para sa ­unang limang buwan ng taon, mas mataas ng 4.2 percent sa naitala sa kaparehong panahon noong 2017.

Ayon sa central bank, 78 percent ng total cash remittances ay nagmula sa US, Saudi Arabia, Singapore, United Arab Emirates (UAE), UK, Japan, Qatar, Hong Kong, Germany at Kuwait.

Samantala, umabot naman ang personal remittances sa $2.7 billion noong  Mayo, mas mataas ng 6.1 percent sa $2.588 billion na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Mula Enero hanggang Mayo 2018, ang kabuuang personal remittances ay nasa $13.2 billion, mas mataas ng 4.4 percent sa naiposte sa unang limang buwan ng 2017.

Ang pagtaas ng personal remittances noong Mayo ay dahil sa matatag na inflows mula sa land-based workers.

Ang personal remittances ay ang kabuuan ng cash o in-kind na ipinadala ng OFWs via informal channels.

“Personal remittances during the period were driven by steady inflows from land-based OF workers with work contracts of one year or more, which totaled $10.2 billion, and compensation of sea-based workers and land-based workers with short-term contracts, which reached $2.7 billion,” sabi pa ng BSP.

Comments are closed.