ASAHAN ang paghihigpit sa pagkuha ng 17,000 bagong pulis.
Ito ay upang maalis na ang agam-agam na kaya sumibol ang katiwalian sa Philippine National Police (PNP) ay dahil sa padrino system o pag-backup sa mga nais magpulis kahit kapos sa kakayanan.
Kasunod nito ay nagbanta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na may katapat na kaparusahan ang sinomang opisyal o miyembro ng PNP na mapatutunayang sangkot sa “padrino” o “bata bata system” para lamang makapasok sa PNP.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, kahit sino ang kaanak o kakilala ng mga nais mag-pulis, kung hindi sila qualified, hindi sila puwedeng maging pulis.
Papatawan ng kaukulang kaparusahan ang sinumang magpapagamit ng koneksyon para makapasok ang mga lalahok sa recruitment ng PNP.
Naniniwala ang kalihim na sa hiring process magsisimula ang cleansing program ng pulisya.
Malaking ginhawa umano para sa PNP kung masasala agad ang mga aplikante bago pa makapasok sa serbisyo.
Dapat aniyang maging transparent ang mga recruiter sa pagtanggap ng mga bagong pulis upang maiwasan ang mga iregularidad.
Magugunitang si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na “embedded corruption” o nakabaon sa korupsiyon ang PNP.
Tiniyak naman ni PNP Officer-in-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa, may nakalatag na silang mga programa kaugnay ng internal cleansing upang tuluyan nang malinis ang kanilang organisasyon.
Ipinagmalaki naman ni Gamboa na mula noong October 2019 nang umupo siya bilang OIC ay halos 300 tiwaling pulis na ang nasibak sa puwesto.
Paiigtingin pa lalo ng PNP ang paglilinis sa kanilang hanay. VERLIN RUIZ