(Ni SID LUNA SAMANIEGO)
“I SPEND my life nothing, with no family, no children, but with my own”. Kataga na mula sa isang lalaking matangkad, matangos ang ilong, mapula-pulang balat, at isang banyaga na nagngangalang Robert Conrad Wrolsen, 40- anyos.
May mga pangarap tayo na mahirap abutin sa buhay, dahil mismong tayo na rin ang lumalayo para makamit ito, mayroon din tayong gusto sa buhay na hindi natin alam kung ano nga ba ito, at kung paano makakamit ang tunay na gusto.
Isa lamang si Robert Conrad Wrolsen o mas kilala sa tawag na Conrad sa mga bilyon-bilyong tao na gustong makamtan ang tunay na kaligayahan sa buhay. Tubong New York si Conrad at isang American Citizen.
Doon niya halos ginugol ang kaniyang buhay, mula sa pag-aaral hanggang sa pagtatrabaho, ngunit doon ay hindi niya matagpuan ang tunay na kaligayahan. Siya ay pumunta rito sa Filipinas para punan ang mga pagkukulang sa kanyang buhay. Dito na rin siya nakapag-asawa at kasalukuyang naninirahan sa bayan ng Rosario, Cavite.
Dalawang taon na rin siyang naninirahan dito sa Filipinas. Sinubukan niya ring mag-apply ng trabaho, ngunit hindi ito naging madali para sa kanya, kaya naman sinubukan niyang magpadyak, o maging sidecar driver, halos dalawang buwan niya na rin itong trabaho.
“It is started as a joke”, dagdag pa niya dahil sa kagustuhang maging busy, nang sa gayon ay kumita rin ng pera.
Sa kabila ng mainit na temperatura sa Filipinas ay pinili niya ang magpadyak. Tinuturing niyang bonus na ang perang kinikita sa trabaho, dahil na rin sa nakakakilala siya ng bagong kaibigan, at bagong kaalaman sa mga ito.
“Being a sidecar driver is a hard job, sitting in line while waiting for the next passenger,” wika pa ni Conrad.
Ngunit hindi ito isang balakid para mahirapan sa buhay, bagkus ay isang hakbang para sa kanya na maging masaya.
Dito niya rin natagpuan ang tunay na kaligayahan sa buhay, dahil na rin sa ating Filipino Culture and Values kung gaano ka-hospitable ang mga Pinoy, pakikipag-kapwa at pagkakaisa, maging ang pakikipagkaibigan, ‘yan na raw ang lubos na hinahangaan niya sa ating mga Pinoy. Dagdag pa niya “You can never understand the culture, without experience”.
Hindi man siya makapagsalita ng sarili nating wika, lubos niya namang naiintindihan at minamahal kung ano tayo at kung anong mayroon tayong mga Pinoy.
Tunay ngang kahit saang sulok ng mundo ay ating hahamakin matagpuan lamang ang inaasam na kaligayahan.