NABARIL at napatay ang isang Air Force Staff Sargeant habang sugatan naman ang dalawang kasama nito makaraang barilin ng kapwa sundalo na sinasabing nagkainitan sa barracks ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort Del Pilar, Baguio City noong Martes ng hapon.
Sa police report na nakarating kay Baguio City Police Director Col. Allen Rae Co, naganap ang pamamaril dakong alas- 4:35 ng hapon sa B-1022 Enlisted Personnel Barracks sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigador ng pulisya, magkausap sina Air Force Staff Sergeant Jeofrey Turqueza at Army Staff Sergeant Vivencio Raton sa 2nd floor ng PMA barracks nang dumating ang suspek na si Air Force Second Class Christopher Lim.
Nabatid na kaagad na nilapitan ni Lim ang dalawang nag-uusap saka binaril gamit ang M16 rifle kung saan napatay si Turquesa habang sugatan naman si Raton.
Gayunpaman, kahit sugatan si Raton ay nagawa nitong makipagbuno at maagaw ang baril na siyang ipinutok nito kay Lim.
Kaagad naman dinala sina Raton at Lim PMA Station Hospital subalit makalipas ang ilang minuto ay inilipat sa Baguio General Hospital habang si Turquesa ay idineklarang patay sa PMA Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang tatlo na humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa maganap ang pamamaril. MHAR BASCO/ VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA
Comments are closed.