(PAF tumulong sa Maynila) 2 HELICOPTER GINAMIT SA PAG-APULA NG SUNOG

KINAILANGAN pakilusin ng Philippine Air Force ang  dalawa nilang air asset upang tumulong sa pag-apula sa nangangalit na apoy na tumupok sa may P2.5 milyon na ari-ari­an kabilang ang ilang kabahayan at establisimyento sa Pier 18 ng Manila North Harbor nitong nagdaang Linggo.

Ayon kay PAF Spokesperson Col Consuelo Castillo, inatasan ng kanilang commanding General Lt. Gen. Toribio Adaci ang dalawa nilang helicopter para magsagawa ng heli bucket operation para matulungan ang may 40 truck ng bumbero na nagtutulong-tulong para maapula ang sunog.

Nabatid hanggang kahapon ay blanko pa ang mga arson investigators ng Maynila sa sanhi ng malaking sunog na lumamon sa maraming bahay sa Road 10 kanto ng Aroma Gagalangin, Tondo na naging sanhi para mawalan ng titirhan ang may 1,000 pamilya.

Nagsimula ang sunog bago mag-alas dose ng tanghali at umabot ito sa ika-limang alarma.

Pahirapan ang pag-apula sa sunog dahil sa malakas ang hangin sa lugar.

Bagaman may daan-daang fire fighters at 40 truck ng bumbero ang nagtulong-tulong sa pag-apula sa apoy, kinaila­ngan pa ring gumamit ng 2 chopper ng PAF sa pag-apula sa malaking apoy.

Sa  coordinated ope­ration, nag deploy ang  505th Search and Rescue Group ng kanilang  Super Huey helicopter para magsagawa ng 35 sorties ng  heli-bucket operations.

Tumulong din ang 205th Tactical Helicopter Wing gamit ang kanilang Black Hawk helicopter na  nagbagsak ng drum drum na tubig sa nasusunog na area para matulungan ang ground-based firefighters ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga Filipino Chinese Fire volunteers na mabilis din rumes­ponde sa area.

“The PAF’s timely intervention was instrumental in containing the fire and preventing further damage to the harbor facilities. This aerial operation underscores the PAF’s unwavering commitment to public safety and its ability to respond effectively to emergencies,” pahayag ni Col Castillo.

Pumalo sa mahigit P2.5 million halaga ng pinsala ang iniwan ng sunog sa isang residential area habang nasa 1,000 pamilya ang naapektuhan matapos mawalan ng tirahan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), siyam na establisimyento ang nasunog na nagsimula sa isang unit.

Mabilis na kumalat ang apoy dahilan para umabot ito sa ika-limang  alarma na tumagal naman ng halos dalawang oras.

Bandang alas-6:20 ng gabi nang ideklarang under control ang sunog.

Batay sa ulat ng BFP nasa pitong indibidwal ang nagtamo ng minor injuries na kaagad namang nilapatan ng kaukulang medical attention.

VERLIN RUIZ