Puno ngayon ng Alinlangan, kalooban ng mga Mamamayan…
Ano nga ba anila ang kahihinatnan,
Sa sandaling Sistema ng Pamahalaan ay muling papalitan.
Tanong nila… ito ba ay Mainam… ano ang pagbabagong aasahan?
Sa mga eksperto sa Saligang Batas…
Sistemang Federal anila ay nararapat
Matutugunan daw nito ng tama at patas…
Ang mga proyekto at pangangailangan ng lokalidad.
Gayunman mayroon pa ring mga nag-aalinlangan…
May pangambang pagpiyestahan ang kapangyarihan
Maluluklok lang muli anila ang malalaking angkan…
Sa bawat probinsiya ay may maghahari-harian.
Para sa ilang mga Mambabatas na tutol sa panukalang Sistema…
Malaki ang paniniwala nila na nais lang maalis ang Imperiyal Manila
Kapangyarihan ay dapat na maikalat daw sa mga probinsiya,
Hindi lang sa Maynila dapat na magmula ang kumpas sa ekonomiya.
Nakikita namang solusyon ng ibang mga eksperto…
Economic Provision lang anila ng Konstitusyon ang dapat na mabago,
Ipamahagi ang malaking Internal Revenue Allotment sa mga distrito
Hindi na kailangang guluhin pa mga Departamento na nasa ayos nang puwesto.
Bulong naman ng Diwa nitong lingkod n’yo at abang Makata,
Hindi na kailangan pang Saligang batas ay masalaula…
Amyendahan na lamang ang mga hindi akmang probisyon at talata…
May Lokal na pamahalaan naman na magpapatupad sa batas na itinatakda.
Ang Susi lang naman ng Maayos na Pamahalaan… maging lokal at pambansa
Matapat na paglilingkod na walang bahid ng masamang pagnanasa…
Pagtatakwil sa pagkamakasarili at Bayan ang inuuna…
Kung masusunod ito..Kalakalan din ay gaganda..
PIHADONG AAYOS ANG BUONG SISTEMA.
(Si Edwin Eusebio ay araw-araw na naririnig sa DWIZ 882 am Radio)
Comments are closed.