HINAMON ni Senadora Imee Marcos ang mga economic manager ng bansa na pangalanan ang mga kompanya sa export processing zone na sinasabi nilang umabuso sa tax incentives na dapat nang tanggalin sa ilalim ng panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na may posibilidad na gawa-gawa lang ang mga alegasyong pag-abuso sa tax incentives para mabigyang katuwiran ang sinasabing ‘rationalization’ ng nasabing mga insentibo gaya ng mababang 5% na buwis sa gross income earned (GIE).
“Tayo ba, eh gumagawa lang ng multo para i-harass ang isa’t isa at gawing masalimuot ang ating mga export incentive? Ang alegasyon bang tuloy-tuloy na pag-abuso ng 5% sa GIE ay isa lamang gawa-gawang bangungot, o tunay na banta?” tanong ni Marcos sa kasagsagan ng plenary session ng Senado nitong Lunes.
Tinukoy ni Marcos ang posisyon ng Philippine Export Zone Authority – ang pangunahing investment promotions agency – na nagsabing walang pag-abusong nangyari dahil ang mga insentibo ay ibinibigay o napupunta hindi sa mga kompanya, kundi sa mga produkto, bagong product development, bagong teknolohiya, at pagpapalawak ng karagdagang mga investment.
Maraming pangunahing katanungan ang hindi pa nasasagot ng Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority(NEDA) para mabigyang katuwiran ang pagtatanggal ng tax incentives sa mga exporter, ayon kay Marcos.
“Magkano ba ang kikitain natin kung ibabasura ang mga insentibo para sa mga exporter? At gaano pa kalaki ang isusugal natin o ilalagay sa peligro sa pag-alis ng mga investor at pagkawala ng trabaho at foreign currency? diin pa ni Marcos.
Una nang ipinahayag ng DOF at NEDA na ang pag-aalis ng tax privileges sa mga exporter ang magbabalanse sa ibinawas na corporate income tax (CIT) mula sa kasalukuyang 30% patungong 25%.
Sang-ayon si Marcos na tapyasan ang CIT para mas malapit ito sa 15% tax rate ng ibang bansa sa Asya, subalit iginiit na ang pag-aalis sa tax incentives ay magdudulot ng pagkadismaya sa foreign investment at magpapalala sa kawalang trabaho sa bansa kahit pa magkaroon ng bakuna sa Covid-19.
“Mas magiging magastos sa mga investor kung babawasan ang tax incentives at hindi kakayaning makipagkumpetensiya bilang isang investment destination,” ani Marcos.
Bumaba ng 19 bilyong piso ang halaga ng investments sa Filipinas mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, habang bumaba naman ng $16.6 bilyon ang halaga ng exports, ayon sa performance report ng PEZA.
May 60,379 na nawalan ng trabaho sa mga export company mula Abril hanggang Hunyo pa lamang, at mas marami pa ang magiging jobless dahil napipilitan ang mga kompanya sa gitna ng pandemya na magbayad ng mga suweldo kahit walang mga export order, magtipid sa paglaan ng kapital o tuluyan nang umalis ng Filipinas para lumipat sa mga bansang mas maraming tax incentives, ani Marcos.
Sakaling magbotohan ang mga mambabatas ngayong linggo para tuluyang alisin ang tax incentives sa ilalim ng CREATE bill, igigiit ni Marcos na ipatupad na lamang ito sa bagong export companies. VICKY CERVALES
Comments are closed.