PAG-AARAL SA MEDICAL MARIJUANA SINIMULAN NA NG PDEA

PDEA spokesperson Dir Derrick Carreon

NAGSIMULA na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kanilang pag-aaral sa kontro­bersiyal na marijuana kasunod ng mga isinusulong na pagsasabatas sa paggamit nito bilang gamot sa bansa.

Sinabi ni PDEA spokesperson Dir. Derrick Carreon, na ang magiging resulta ng kanilang isinasagawang research ay tiyak na magagamit ng mga kongresista at senador kung maaprubahan na ang nasabing panukala.

Matatandaang noong 17th Congress ay ina­prubahan ng Kamara ang panukala hinggil sa paggamit ng medical marijua-na, subalit bigo itong maapru-bahan ng Senado  kaya muli itong naihain kamakailan para sa papalapit na pagbubukas ng 18th Congress.

Napag-alamang sakop ng naturang panukala ang paggamit ng medical marijuana para sa paggamot sa mga malalalang sakit lamang.

Maliban pa rito, nakapaloob din sa nasabing panukala na mayroong ipapatayong Medical Cannabis Compassionate Centers na siyang bahala sa pagbebenta o distribution ng medical marijuana para sa mga kuwalipikadong pasyente.

Nauna rito, sinabi noon ni Senate President Tito Sotto na hindi na kailangan pa ang naturang panukala dahilan sa pinapayagan naman ito sa mga extreme cases batay sa mahigpit na panuntunan.  BENEDICT ABAYGAR, JR.