(Pag-aaralan ng DA) PAGGAWA NG PH NG SARILING BAKUNA VS FMD

BUMUO si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ng isang technical working group upang pag-aralan ang posibilidad na makagawa ng sariling bakuna ang Pilipinas laban sa foot-and-mouth disease (FMD) na maaaring makaapekto sa industriya ng livestock ng bansa.

Bagama’t kinikilala ng World Health Organization for Animal Health (WHOA) na FMD-free ang Pilipinas mula pa noong Mayo 2014, sinabi ni Tiu Laurel na mahalaga ang pagiging handa dito ng Pilipinas upang maiwasan ang magiging malaking epekto sa ekonomiya ng bansa kung magkaroon dito ng outbreak ng naturang sakit.

Ang FMD ay isang malubha at nakahahawang sakit na nangyayari sa mga baboy, baka, tupa at kambing. Ito ay maaaring magdulot ng maraming pinsala sa hayop at permanenteng makahadlang sa pagiging produktibo nito.

Sa loob ng ilang dekada ay hindi pa nagkakaroon ng inoculation o bakunahan sa mga alagang hayop na pang- agraryo kontra FMD sa Pilipinas.

Ang direktiba ay ginawa ng DA chief makaraang maiulat na nagkaroon na ng mga kaso sa Indonesia, Thailand at Vietnam kamakailan na mga kalapit bansa lamang ng Pilipinas.

“To maintain the country’s status (as an FMD-free jurisdiction), and prepare it for contingencies, there’s a need to explore the viability and feasibility of manufacturing FMD vaccines locally to be used in the prevention and control of FMD incursions,” pahayag ni Laurel sa nilagdaan nitong special order no. 1083 na may petsang Hulyo 23, subalit inilabas sa media nitong Agosto 2.

Itinalaga ni Laurel si Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, na Doctor ng Veterinary Medicine, bilang chairman ng binuong technical working group.

Ang buong team ay inatasang magbigay ng mga technical inputs at karampatang impormasyon upang makatiyak sa posibilidad ng viability at feasibility kung maaari ngang makagawa ng sariling bakuna ang bansa laban sa FMD. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA