PAG-ACTIVATE NG FILTERS SA CELLPHONE MAKATUTULONG LABAN SA SPAM AT SCAM MESSAGES

SUNOD-SUNOD ba ang dating ng mga job offer at iba pang scam text sa inyong phone? Kung ang gamit ninyo ay Android device, puwede niyong i-block and mga ito.

Hinihikayat ng Globe ang mga customer nito na gamitin ang tools na nasa kanilang mga personal device, tulad ng built-in SMS spam filters o blockers, para labanan ang mga spam at scam messages mula sa mga hindi kilalang sender.

“Habang ang aming cybersecurity team ay patuloy na nagpapatupad ng mga anti-spam at anti-scam initiatives sa network, ang mga customers ay maaari ring gumamit ng tools sa kanilang mga device para protektahan ang kanilang sarili,” sabi ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.

Ang mga gumagamit ng Android phone ay maaaring mag-activate ng spam filters sa kanilang Android devices. Puwede mo itong gawin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simpleng hakbang na ito:

1. I-download ang “Messages” app ng Google
2. I-set ito bilang default Android SMS messenger
3. Pumunta sa settings at i-enable ang Spam Protection.

Kung makatatanggap pa rin ng spam messages, puwedeng mag-report ang mga customer sa Globe sa web page nitong https://www.globe.com.ph/stop-spam o puwede ring dumiretso sa National Telecommunications Commission.

Pinaalalahanan din ni Bonifacio ang publiko na huwag magbukas o mag-click ng link mula sa sa mga hindi kilalang numero o mag-reply at magbigay ng personal na impormasyon sa mga spammer.

Patuloy na pinaiigting ng Globe ang customer protection at Internet safety initiatives sa harap ng pagtaas ng online activity dahil sa pandemya. Ang kompanya ay nag-block ng nasa 1.15 bilyong scam at spam messages, 7,000 mobile numbers na naka-link sa mga scammer, at 2,000 na hindi opisyal na social media accounts at phishing sites noong 2021.

Hinaharangan ng Globe ang mga spam message sa pamamagitan ng filters at threat intelligence systems na nagmo-monitor ng traffic para ma-detect ang aktibidad ng spammers.

Sa unang quarter ng 2022, ang Globe ay nakapag-block na ng 203 phishing sites kasama na ang 112 sites na mistulang lehitimong website ng bangko at 91 GCash phishing sites.

Ang mga anti-spam effort ng Globe ay parte ng layunin nitong protektahan ang technological innovations na kritikal sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Ito ay naaayon sa commitment nito sa infrastructure at innovation targets sa ilalim ng United Nations Sustainable Development Goals.

Para sa dagdag kaalaman tungkol sa Globe, pumunta sa www.globe.com.ph.