PAG-ALIS NG DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

HINDI maitatanggi na ang bansang Kuwait sa Gitnang Silangan ay isa sa mga pangunahing destinasyon para sa overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kabila ng pang-aabuso at mga isyu ukol sa karapatan ng mga manggagawa, marami pa rin ang nagtutungo roon upang maghanap-buhay.

Subalit, noong mga nakaraang taon, isaalang-alang ang mga insidente ng pang-aabuso at katiwalian na nangyari, nagdulot ito ng pagbabawal sa deployment ng OFWs sa nasabing bansa.

Ang pagsusuri naman ukol sa sitwasyon ay nagresulta sa napipintong desisyon na pag-lift ng deployment ban sa Kuwait.

Ang pag-lift ng ban ay masasabing isang mahalagang hakbang tungo sa pagbabago sa kalagayan ng mga OFW.

Sa pamamagitan nito, maaaring magkaroon ng mas magandang proteksyon at benepisyo para sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa bansang ito.

Ang mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng deployment ban sa Kuwait ay kinabibilangan ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Sa mga nakaraang taon kasi, maraming ulat tungkol sa pang-aabuso at karahasan ang lumabas, patungkol sa mga OFW na nagtatrabaho sa Kuwait. May mga pinatay din at inabuso. Ito ay nagdulot ng pangamba sa seguridad at karapatan ng ating mga kababayan, na siyang naging pangunahing dahilan para sa pagpapatupad ng deployment ban.

Isa rin sa mga pangunahing isyu sa Kuwait ay ang katiwalian daw sa recruitment agencies na nagpapadala ng mga OFW sa bansa. Maraming ulat ukol sa mga ahente na nangingikil daw ng malalaking halaga sa mga aplikante na siyang nagdulot ng financial exploitation sa mga manggagawa.

May mga polisiya rin ito na hindi raw sapat upang proteksyunan ang OFWs, lalo na sa mga sitwasyon ng pang-aabuso o problema sa trabaho.

Sa kabilang banda, kung matutuloy man, ang pag-lift ng deployment ban ay magdudulot ng oportunidad para ayusin ang mga polisiya at itaguyod ang karapatan at kaligtasan ng mga OFW.

Magdudulot din naman ito ng ilang potensyal na positibong epekto.

Nariyan ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho dahil ang Kuwait ay isang pangunahing destinasyon para sa mga OFW.

Magbubukas ito ng mga oportunidad para sa mga bagong manggagawa na naghahanap ng trabaho sa bansang ito. Ito ay makakatulong sa ekonomiya ng Pilipinas at magbibigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga pamilyang umaasa sa remittances ng kanilang mga kamag-anak.

Maaari rin itong magdulot ng pagbabago sa mga polisiya at regulasyon ng Kuwait patungkol sa OFWs tulad ng mas mahusay na proteksyon at benepisyo para sa mga manggagawa.

Masasabing ang napipintong pag-lift ng deployment ban ay bunga naman ng brief meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kuwaiti Crown Prince Sheikh Mishal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah sa sidelines ng first Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit sa Saudi Arabia kamakailan.

Sakaling matuloy naman ang pag-alis ng ban, aba’y hindi maitatanggi na ang hakbang na ito ay patungo sa pagbabago at pagpapabuti sa kalagayan ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Sa pamamagitan nito, maaaring mabigyan ng mas magandang proteksyon at benepisyo ang mga OFW, habang nagkakaroon ng positibong epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.

At sa kabilang banda, mahalaga rin namang masiguro na ang mga hakbang na ito ay naaayon sa interes at kaligtasan ng ating mga manggagawa.