PAG-ALIS NG RAIN OR SHINE SA PBA ‘FAKE NEWS’

Willie Marcial

PINABULAANAN ni PBA commissioner Willie Marcial na aalis na ang Rain or Shine sa liga.

Ayon kay Marcial, tiniyak sa kanya ng team owner na mananatili ang koponan sa PBA.

Kinumpirma ng PBA chief na batid niya na may kumakalat na balita na pinag-iisipan ng Rain or Shine na ibenta ang prangkisa nito habang ang mga  player nito ay patungo na sa iba’t ibang koponan.

“Naririnig ko ‘yan. May narinig pa ako sa news na sinasabing ano… May pupunta na mga players eh, si James Yap pupunta dito, si Beau Belga pupunta dito, si (Gabe) Norwood pupunta dito,” wika ni Marcial patungkol sa tatlo sa beterano ng Elasto Painters.

Subalit sinabi ni Marcial na personal siyang tinawagan ni team owner Raymond Yu upang tiyakin na walang katotohanan ang mga sabi-sabi.

“Kausap ko po mismo si Boss Raymond Yu, na personal po akong tinawagan. Sinabi po niya, ‘Willie, Comm., hindi kami aalis ng PBA. Fake news ‘yan, huwag kang maniwala,'” ani Marcial.

“Sinabi ko naman sa kanya, ‘Sir, alam ko naman eh.’ Kasi halos every other day, nag-uusap kami ni Boss Raymond. Wala naman siyang nababanggit sa akin na ganoon,” dagdag ng PBA chief.

Ang Rain or Shine na pag-aari ng Asian Coatings Philippines, Inc. ay lumahok sa PBA noong 2006 at sandaling naglaro sa pangalang Wel-coat bago lumipat sa kanilang kasalukuyang pangalan.

Naging matagumpay ang koponan kung saan sa ilalim ni dating coach Yeng Guiao ay dalawang beses itong nagkampeon.

Comments are closed.