PAG-ALIS SA TRAVEL PASS HINILING SA IATF

Quezon City Rep Precious Hipolito-Castelo

HINIHIKAYAT ni Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Castelo ang Inter-Agency Task Force (IATF) na alisin na ang requirement nang pagkuha ng travel pass sa Philippine National Police (PNP) para sa mga bumabiyahe sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng community quarantine.

Giit ni Castelo, ang medical certificate o health pass na iniisyu ng Department of Health (DOH) ay sapat na para mapatunayan na ang isang indibiduwal ay malusog at negatibo sa COVID-19.

Paliwanag pa nito, wala namang mabigat na patunay na ang travel pass ay may kinalaman sa lagay ng kalusugan ng isang tao bagkus ay nakadaragdag lamang ito sa anxiety at stress lalo na sa mga OFW at Locally Stranded Individuals (LSIs).

Sinabi pa nito, makababawas sa alalahanin ng OFWs at LSIs ang pagre-require sa mga ito na mag-secure ng police travel pass at mas magiging mabilis din ang proseso ng mga permit na kakailanganin sa pagbiyahe.

Ikinaalarma pa ni Castelo ang mga ulat na nakarating sa kanyang tanggapan na nagagamit pa sa korupsiyon ng mga tinawag niyang ‘very enterprising authorities’ ang pagkuha ng mga pasahero ng certificates at permits.

“Many of our people are complaining about having a hard time or not being able  to move from one place to another even if they have valid reasons to do so because of the many safety protocols imposed by the government. Removing an unnecessary one from the long list of protocols can be very helpful for travelers especially the most hard-hit by the outbreak”, pahayag ni Castelo. CONDE BATAC

Comments are closed.