(Pag-ambush kay Lapid) OWNER NG SUV NA NASA CRIME SCENE AALAMIN

KASALUKUYANG nagsasagawa ng tracing ang Southern Police District (SPD) sa nagmamay-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nakaparada malapit sa gate of BF Resort Village kung saan inambus at napatay si veteran radio at print journalist Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid noong Lunes ng gabi (Oktubre 3).

Ayon sa pamilya ni Lapid, sinabi ng mga ito na nakita nila ang dalawang lalaki na nakasuot ng bull cap na nakasakay sa nakaparadang SUV na malapit sa gate ng BFRV bago maganap ang insidente ng pamamaril kay Lapid ng riding in tandem na kanilang ibinase sa footage ng dashboard camera.

Dagdag pa ng pamilya na nakita sa dashboard camera ang pag-alis ng nakaparadang SUV matapos pagbabarilin ng riding in tandem ang sasakyan ni Lapid.

Ayon kay SPD Director Col. Kirby John Brion Kraft ang kopya ng naturang video footage ay nasa posesyon na ngayon ng pulisya na gagamitin bilang ebidensya sa kaso ni Lapid habang patuloy pa rin ang imbestigasyon upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo sa pagpatay kay Lapid.

Dagdag pa ni Kraft na nagsasagawa din sila ng conduct cross-matching sa iba pang mga pangyayari ng pamamaril matapos malaman sa isinagawang ballistic examination na ang baril na ginamit sa sa krimen ay isang .45 kalibre pistola.

Humingi naman ng kooperasyon ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa, dati ring naging mamahayag sa mga nakasaksi sa pamamaril ng kanyang kapatid na magbigay ng impormasyon upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

Kasabay nito, nagpapasalamat din si Mabasa at ang kanyang pamilya kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa alok na P500,000 sa mga makakapagbigay ng impormasyon sa pagpatay kay Lapid. MARIVIC FERNANDEZ