PAG-AMBUSH SA ABOGADO NG BOC WORK- RELATED

LUMABAS sa imbestigasyon ng Pasay City police na ang tangkang pag-ambush sa isang abogado ng Bureau of Customs (BOC) nitong Lunes ay may kinalaman sa kanyang trabaho bilang assistant chief ng Internal Inquiry Division ng nabanggit na ahensiya.

Sa pagsasagawa ng ocular inspection sa pinangyarihan ng krimen ay sinabi ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os na mayroong hawak na anim na kaso ang biktimang si Atty. Joseph Samuel Zapata, 30-anyos, residente ng Barangay San Isidro, Paranaque City.

Dagdag pa ni Paday-os na nakarekober din sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala ng .9mm pistola.

Sinabi ni Paday-os na isang team ng mga imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang nagtungo sa ospital kung saan isinugod si Zapata at nakausap ng mga ito ang ama ng biktima na si Claro.

Sa salaysay ng ama ng biktima ay sinabi nito na noong nakaraang Setyembre 2021, ang kanyang anak ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa isa ring empleyado ng BOC na naka-assign sa NAIA Terminal

I matapos pagsilbihan ng kanyang anak ng subpoena ang naturang empleyado.

Sa pagkakataong iyon ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Zapata at ng empleyado ng BOC na naganap sa loob ng BOC Internal Inquiry Division sa NAIA Terminal I.

Ayon kay Paday-os, sa impormasyon na nakuha ng mga imbestigador sa ama ng biktima ay agad na nakipag-ugnayan ang mga imbestigador para humingi ng panayam sa hepe ng Internal Inquiry Division na si Atty. Jonathan Mengulio upang mabigyan ng linaw ang totoong nangyari sa pagitan ni Zapata at ng empelyado ng BOC.

Base ng kuha sa CCTV ng BOC ay nakunan pa ang pag-alis ni Zapata sa parking area ng naturang ahensya dakong ala-5:10 ng hapon sakay ng kanyang minamanehong kulay puti na Toyota Fortuner.

Dakong ala-5:40 ng hapon habang pauwi na ng kanyang bahay si Zapata, binabagtas nito ang southbound lane ng Macapagal Boulevard lulan ng kanyang minamanehong sasakyan at pagdating sa MET live ay isang riding in tandem ang nagpaulan ng bala sa sasakyan ng biktima bago ito tuluyang tumakas.

Kasalukuyan namang inoobserbahan si Zapata sa ospital na kanyang pinagdalhan dahil sa kanyang tinamong tama ng bala sa likod ng kanyang ulo. MARIVIC FERNANDEZ