PAG-AMIYENDA SA GCTA LAW IHAHAIN SA SENADO

Senator Sonny Angara-GCTA

DAHIL may butas ang batas, isang panukala ang nakatakdang ihain ni Senator Sonny Angara upang amiyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance Act o GCTA.

Matatandaang dahil sa kahinaan nang naturang batas, muntik nang mapalaya ang convicted rapist at murderer na si dating Ca-lauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na lubhang ikinagalit ng sambayanan.

Mababatid na si Angara ang naging awtor ng House Bill 417 noong siya ay kong­resista pa lamang may anim na taon na ang nakararaan.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ng senador na ang tanging sakop ng kanyang panukala ay ang Section 1 ng RA 10592 na nag-sasabing ang mga akusadong nasasai­lalim pa lamang sa preventive imprisonment at  mga ‘di pa nahahatulan ang maaaring mapagkalooban ng GCTA.

Gayunpaman, aniya, nang aprubahan ng Kongreso ang pinal na bersyon ng batas, sinunod nila ang bersyon ng Senado na nagpalawak sa sakop ng HB 417. Dahil dito, maging ang convicted criminals ay mapapasama na sa GCTA grant.

Kasabay rin ng pag-apruba ng RA10592 noong 2013, nagpalabas din ng joint guidelines ang DOJ at DILG na naglalahad kung paano igagawad ang GCTA sa mga bilanggo.

“Ang masama rito, nagi­ging kapital na pala ng mga karumal-dumal na kriminal ang butas ng RA10592 upang ipaglaban ang karapatan umano nilang lumaya at mabigyan ng good conduct time allowance. Dapat ay maipagdiinan natin na kahit kailan, hindi ganito ang nilalayon ng batas na ito – hindi para maging paborable sa  heinous criminals,” paglilinaw ni Angara.

Ayon pa kay Angara, sa kaso ni Sanchez, hindi apli­kable ang naturang batas dahil sa napakataas na antas ng krimen na kanyang nagawa at isa pa, convicted at sentensyado na siya sa kasong murder at rape.

Ilang paglabag din ang nagawa ni Sanchez habang nakabilanggo, na lalo pang nagpabigat sa kanyang kaso.

Nadiskbure noon na itinatago ni Sanchez ang ilang kilo ng shabu sa loob ng imahe ng Birheng Maria na nasa loob ng kanyang selda.

Sa inihaing amendment ni Angara, lilinawin ang kahulugan ng heinous crimes o mga karumal-dumal na krimen upang mai-wasang maisakop dito ang mga kriminal tulad ng dating alkalde.

Hindi rin sakop sa amendment ang mga recidivist o ang mga kriminal na paulit-ulit na ginagawa ang kanilang krimen, habitual delinquents, ang mga takas na bilanggo  at heinous criminals. VICKY CERVALES

Comments are closed.