BILANG tugon sa pagsesertipika ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ‘urgent measure’, tiniyak ng dalawang mataas na opisyal ng Kamara ang kahandaan nitong maipasa sa lalong madaling panahon ang panukalang nag-aamyenda sa ilang probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, alinsunod sa kahalagahang magkaroon ng mas mahigpit na probisyon sa AMLA, sinisiguro niya ang mabilis na pag-apruba ng Kamara sa ilang kinakailangang pagbabago sa nasabing batas, kabilang na ang pagnanais na ibsan ang gastusin sa financial transactions ng mga overseas Filipino worker at iba pang nasa business sector.
“The House of Representatives will ensure that President Duterte will be able to sign these important pieces of legislation into law at the soonest possible time,” pagbibigay-diin pa ng House Speaker.
Sinabi naman ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez na sa ilalim ng liderato ni Speaker Velasco, ang Kamara ay nakatuon sa pagpasa sa isinusulong na AMLA amendments, sa ilalim ng House Bill No. 6174.
“We are committed to work harder, smarter, and more efficiently when Congress resumes session on November 16. As part of our tradition, we are going to hit the ground running to pass vital pieces of legislation,” anang ng Leyte province congressman.
Magugunita na iginiit ni Pangulong Duterte na dapat baguhin ang sections 3, 7, 10, 12, at 20 ng Republic Act 9160 o AMLA upang mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa money laundering, terrorist financing at iba pang banta sa integrdad ng global financial system.
“The amendments are necessary for the country to comply with legal standards for anti-money laundering and countering terrorism financing, as established by relevant international bodies,” sabi ni Duterte. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.