PAG-AMYENDA SA ANTI CYBER LAW ISINULONG SA SENADO

ITINUTULAK  ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangang amyen­dahan ang anti-cybercrime law para matugunan ang online child abuse.

Sa isang press conference sa Senado, tinanong si Hontiveros tungkol sa mga potensyal na pagkukulang kung bakit nangyayari pa rin ang online child abuse sa kabila ng mga umiiral na mekanismo ng regulasyon.

“Posibleng hindi talaga maka-keep up both ang ating mga batas at posible ‘yung mga regulatory mechanisms ng ating mga internet platforms du’n sa bilis at sa talas ng pag-evolve nung teknolohiya mismo,” ayon kay Hontiveros.

“‘Yung isang dekadang edad na ng anti-cybercrime law natin ay dapat amyendahan para i-update, at titignan po ng opisina ko ‘yun, pati ‘yung pag-enhance ng operational capacities ng ating law enforcement authorities on behalf ng best interest of the child,” giit pa niya.

Muling iginiit ni Hontiveros na ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children bill, na kanyang inakda, ay dapat pirmahan bilang batas upang maiwasan ang mga ganitong pang-aabuso.

Nakipagpulong si Hontiveros sa mga kinatawan ng social networking site na Facebook, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation nitong Miyerkoles ng madaling araw para talakayin ang lumalaganap na pang-aabuso sa mga bata online. LIZA SORIANO