PAG-AMYENDA SA ECONOMIC PROVISIONS UUNAHIN KAYSA PEDERALISMO

Presidential Spokesperson Salvador Panelo

TIWALA pa rin si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na maipapasa ng Kongreso ang kanyang isinusulong na pederalismo bagamat maaa­ring matagalan pa ito.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ginanap na press briefing kahapon kung kaya’t mas nanaisin ng Pangulo na unahin ang pag-am­yenda sa mga economic provision ng Saligang Batas dahil sa aniya’y mabagal na pagpasa ng pederalismo.

Nilinaw ni Panelo ang posibilidad na pag-amyenda ng  economic provisions ay binanggit ng Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa ginanap na peace assembly sa Cotabato City subalit hindi naman nangangahulugan na isinusuko na  ang pederalismo.

“Hopefully, if we can amend the Constitution, not all, but a few of the economic provisions,” wika ni Pangulong Duterte.

Hangad ng Pangulong Duterte na mapabilis ang pagpasa ng pederalismo subalit batid niyang hindi naman ito kayang gawing mag-isa ng Pangulo.

“Well, you know the President is a very creative person, if he feels that one method is not practical or cannot be realized, he goes to another mode. What is important to him is certain provisions of the Constitution must be amended and that is the judgement call of the Congress,” dagdag  ni Panelo.

Bagama’t nais ng Pangulo na paspasan ang naturang usapin, hindi naman puwedeng gawin ito ng mag-isa ng Presidente at kailangang kumilos dito ang Kongreso.

Kabilang sa economic provisions na nais amyendahan ng Pangulo  ay ang pagbibigay kaluwagan sa pagpasok ng  foreign investments sa bansa.

Magugunita na bumuo si Pangulong Duterte noong nakaraang taon ng consultative committee na pinamunuan ni retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na bumalangkas ng draft Constitution sa ilalim ng federal form of government na isinumite sa Kongreso subalit wala pa ring aksiyon hanggang ngayon.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.