PAG-AMYENDA SA GOVERNMENT PROCUREMENT REFORM ACT NAPAPANAHON

DALAWAMPUNG taon na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act (GPRA) na inisponsor at iniakda ng aking yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara.

Ang GPRA ay kinokonsiderang isang world-class, landmark law na naglalayong resolbahin o labanan ang korupsiyon sa sistema ng government procurement.

Sa kanyang sponsorship speech, inihalintulad ng aking ama ang talamak na  korupsiyon sa gobyerno sa kanser na wala nang lunas at nanunuot na sa byurukrasya. Maliliit man o malalaking transaksyon, pinamumugaran na, aniya,  ng anomalya.

Ayon  nga sa isang report ng World Bank, sa pagitan ng mga taong 1982 at 2002, umaabot na sa $48B ang nawala sa kaban ng Pilipinas dahil sa korupsiyon. Kung hindi lang napunta sa nakawan ang halagang iyan, malamang, nasagot na nito ang budget deficit ng Pinas noong mga panahong ‘yun at posibleng maganda-gandang surplus pa ang babalik sa atin. Pero napunta lang lahat sa katiwalian.

At dahil naging mabisa rin ang GPRA laban sa mga “malilikot ang kamay”, sa bandang huli, nakahanap pa rin sila ng paraan upang magtuloy-tuloy ang kupitan sa government contracts. Iba talaga ang utak ng mga taong tiwali ang isip.

Nung mga nakaraang taon, natunghayan natin ang mga imbestigasyon sa iba’t ibang procurement issues —  nariyan ang mga overpriced laptops para sa mga guro, at ang overpriced facemasks and PPEs.

Sa totoo lang, hindi lang korupsiyon ang problema ngayon ng GPRA – nariyan ang mga nasasayang na pondo dahil sa kapabayaan, kakulangan ng bidders at limitasyon sa kakayahan ng mga ahensiya ng gobyerno sa procurement activities.

Sa pag-aaral ng Government Procurement Policy Board na ibinase nila sa 2012 data, lumalabas na halos 50 porsiyento ng failed biddings ng government agencies ay dahil sa ‘di maayos na pagpaplano. Ano-anong pagpaplano ba ang tinutukoy natin? Isa riyan ang poor cost estimates, mga problema sa technical specifications o sa terms of reference at ang late submission ng mga ahensiya sa kanilang mga purchase request.

Kaya matapos ang tatlong public hearing at 10 technical working group meetings na pinangunahan ng ating komite sa Senado, ang Senate finance committee, nabuo natin ang committee report on Senate Bill No. 2593 o ang panukalang mag-aamyenda sa GPRA.

Ang maganda rito, suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ating panukala. Kung inyong matatandaan, binanggit ito ng Pangulo sa kanyang SONA noong nakaraang taon, Aniya, malaki ang pangangailangan nating maamyendahan ang GPRA para mai-adjust sa kasalukuyang panahon ang nasabing batas at para mas maging epektibo. Isa rin ang panukalang ito sa priority measures ng  Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Nilalaman ng ating GPRA amendments ang mga bagong paraan ng government procurement. Inaatasan din ang Department of Budget and Management (DBM) na lumikha ng isang procurement position para sa iba’t  ibang ahensiya ng gobyerno. Ito ang sisiguro sa kaayusan ng procurement practitioners para naman magampanan nila nang maayos at epektibo ang kani-kanilang responsibilidad.

Makatutulong din ang naturang mga practitioner sa mga ahensiyang may problema sa procurement process upang makaagapay sa kanilang mga bibilhin.

Sa ilalim pa rin ng panukala, hinihikayat natin ang mas marami pang suppliers na makilahok sa government procurement process para magkaroon naman ng maayos na kumpetisyon ng bidders.

Binibigyang-diin din natin dito ang pagpabor sa domestic supply of goods and services para naman mabigyan ng pagkakataon ang ating mga lokal na industriya na mas magpalago at mas maging competitive. Katulad din ito ng ating nilikhang batas, ang Tatak Pinoy Act na naglalayong mas mapalawig ang mga produktong Pinoy hindi lang sa mga lokal na pamilihan  kundi maging sa pandaigdigang merkado.

Diringgin ang ating panukalang pag-amyenda sa GPRA sa mga susunod na araw at umaasa tayo na bago matapos ang taon, tuluyan itong magiging batas.