PAG-AMYENDA SA PARTYLIST SYSTEM PINATUTUTUKAN

ITO  na ang panahon para amyendahan ng susunod na administrasyon ang kasalukuyang Republic Act 7941 o ang Party-List System Act.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, namimistulang hamon para sa kanila ang pagbibilang at pag-compute ng alokasyon ng puwesto para sa mga uupong party-list groups.

Sa ngayon kasi hinahati nila ang bilang ng boto ng isang partylist sa kabuuang bilang ng naitalang boto para sa party-list at saka ito imu-multiply sa 100.

Aniya, ang pamamaraang ito ay nakabase sa formula ng Korte Suprema na ginamit na rin sa mga nakalipas na eleksiyon.

Paliwanag ng COMELEC, anim na party-list group lamang ang pasok sa two-percent club o ang dalawang porsiyento sa kabuuang bilang na nalikom sa party-list race ang nakapasok.

Dahil dito, kinailangan nilang gamitin ang formula ng Korte Suprema.

Sakaling maamyedahan ang nasabing batas, magagabayan ang komisyon kung paano gawin ang tamang computation.