MAKIKINABANG nang husto ang publiko sakaling maamyendahan ang Public Service Act dahil sa paglakas ng kompetisyon bunsod na rin sa pagtaas ng bilang ng mamumuhunan sa bansa.
Layunin umano ng rebisyon sa naturang batas ang luwagan ang equity restrictions ng gobyerno sa mga service industries at hikayatin ang mga dayuhang negosyante na lumahok dito na magpapasigla naman ng kompetisyon sa pambansang merkado.
“Inaasahan natin sa panukala na ito na maging investment destination at isa sa top choices ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan sa ating bansa kung maisabatas na ito,” ani NEDA Secretary Ernesto Pernia.
Kabilang din sa pag-amyenda ang magkaroon ng klarong basehan ang publiko kung anong negosyo ang public service at matukoy naman ng gobyerno kung ito’y public utility.
Idinagdag pa ni Secretary Pernia na layunin din ng panukalang ito ang maiangat ang antas ng hanapbuhay ng bawat pamilyang Filipino dahil malayang makakapili kung ano ang bibilhin sa dekalidad at murang halaga na serbisyo at produkto.
Ang pag-amyenda sa Public Service Act ay napapaloob sa programang pang-ekonomiya at urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Philippine Development Plan 2017-2022. NORMAN LAURIO
Comments are closed.