SA LOOB ng 100-araw ay nakabuo ng 11 malalaking proyekto at programa si San Juan Mayor Francis Zamora na ibinida sa ginanap na State of the City Address (SOCA) sa loob ng San Juan City Hall, Martes ng umaga.
Unang ibinida ng alkalde ang nakamit na parangal mula sa Graphic Magazine na kung saan ay kinilala ang kanyang pagbuwag sa halos 50-taong monopolya ng nakaraang administrasyon, ang parangal sa BizNews Asia na itinuring siya bilang NextGen leaders.
Ang pagkilala ng Esquire Philippines Magazine na kung saan ay kasama si Mayor Zamora sa tatlong “giant slayers”, ang pagiging aktibo sa Metro Manila Councils na kung saan ay nakikipagtulungan para sa ikagaganda ng San Juan.
Kasabay nito ay isiniwalat din ng alkalde ang mga mapag-aksayang paggamit ng pondo ng mga kinauukulang nagdaang opisyal na kung saan ay nakitaan ng mga anomalya mula sa mga opisyal ng departamento.
Sa pakikipagtulungan sa Commission on Audit (COA) ay nahalungkat ang mga natirang pondo at hinalukay ang mga magagamit pang pondo na kung saan ay natuklasan na nabaon sa utang ang San Juan na umaabot sa P500-M para sa San Juan Medical Center (SJMC) pa lamang na hindi pa napapakinabangan, subalit nagawang maka-order at magpa-deliver ng P137-M na mga kagamitan sa ospital.
“Maganda naman ang SJMC subalit punong-puno ng gastos mula sa kaban ng bayan,” ayon sa alkalde na lalong nag-init nang ilahad ang anomalyang paglalabas ng pekeng resibo mula sa mga pasyente na kung saan ay nagkaroon ng undeclared remittances na umabot sa P3-M na pandaraya ng mga tiwaling opisyal ng San Juan.
Isiniwalat din ng alkalde ang maling paglustay ng isang spider back hoe na nagkakahalaga ng P40-M na kung saan ay palpak ang pagkakabili ng mga tiwaling opisyal.
Sa kabila ng lahat ng nabuking na batikos at anomalya, hindi pa rin nagpatinag si Mayor Francis Zamora, bagkus ay umaksiyon at gumawa ng nararapat para mabura ang nagdaang kamalian.
Isa sa maipagmamalaki ni Mayor Zamora ay ang pagpapatayo ng 22-storey high rise, in city socialized public housing project mula sa pondo ng National Housing Authority (NHA). Isang pabahay project para sa mga residente ng San Juan na walang sariling tahanan.
Sumunod ang paglalagay ng libreng WiFi sa buong San Juan na una nang ipinangako ng alkalde sa kampanya ay nasunod naman at nagsimula noong September 25. Nabigyan ng libreng wifi ang may 21 barangay, lahat ng police stations, pampublikong paaralan, public market, health centers, miniparks at lahat ng lugar sa lungsod.
Umabot naman sa P1.69-B ang kabuuang halaga ng infrastructure projects ng alkade sa loob ng 100 –araw.
Ibinida pa nito ang mahigpit na pagpapatupad ng mga sagabal sa buong San Juan na kung saan ay naparangalan ito na 100% compliant sa road clearing operations mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Hindi naman isasantabi ng alkalde ang usaping Edukasyon na kung saan naglaan ng karagdagang classroom sa West Crame, San Juan, San Juan National at San Perfecto Elementary School.
Nakipag-ugnayan din ang San Juan LGU sa ilang ospital para makatulong sa mga pasyenteng taga-San Juan.
Naging maagap ang kapulisan sa pagpapatupad ng peace and order sa San Juan maging ang pagsugpo sa illegal na droga. VICK TANES
Comments are closed.