PAG-ANGKAT NG 400M KILO NG MANOK INALMAHAN

NAGTATAKA ang mga magmamanok kung bakit kailangan pang umangkat ang pamahalaan ng 400 milyong kilo ng manok gayong nalulugi na sila dahil matumal ang bentahan ng manok sa mga pamilihan.

Ayon kay Gregorio San Diego, chairman emiritus ng United Broilers Raisers Association (UBRA), sa Bulacan lamang ay bumagsak na sa P98 kada kilo ang farm gate price ng manok.

Malayo, aniya, ito sa kanilang puhunan na naglalaro sa P110 hanggang P115 kada kilo.

Sa kabila ng mababang farm gate price, mataas pa rin ang presyo nito sa ilang pamilihan.

“Market dictated ‘yan e. Matumal eh. Wala nang pera ang ating mga kababayan. Wala nang ayuda e. ‘Yung gobyerno natin pinaasa ang tao natin sa limos,”sabi ni San Diego.

“‘Yung ayuda, limos ‘yan e. Kaya pag natigil ang ayuda, walang pambili ang tao. Nararamdaman agad namin sa palengke ‘yan,” sabi ni San Diego.

Sa kabila nito , ipinagtataka ni San Diego kung bakit pinaplano pa ng pamahalaan na mag angkat ng 400 milyon kilos ng manok.

“Bakit napakaagresibo ng ating Bureau of Animal Industry (BAI) at saka NMIS(National Meat Inspection Service) sa pag- accredit ng mga bansa na puwedeng mag-export ng karne dito sa atin. Mula Oktubre hanggang Abril lugi kami, hindi kami kumita,” dagdag pa ni San Diego.

Sinabi naman ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Deogracias Sevillano na may ginagawa na ang kagawaran para makatulong sa gastos ng mga magmamanok lalo na sa patuka. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia