PAG-ANGKAT NG ISDA, GULAY INALMAHAN

PINALAGAN ng isang agricultural group ang plano ng Department of Agriculture (DA) na umangkat ng isda at iba pang produktong pang-agrikultura tulad ng gulay sa halip na tulungang makabangon ang sektor na ito na pinadapa ng sunod-sunod na bagyo at tangkilikin ang mga lokal na produkto sa ibang rehiyon ng bansa na hindi naman naapektuhan ng mga kalamidad.

“Ni hindi pa nga natatapos itong sakuna ng ating mga farmers ay nasa importasyon kaagad ang sinasabi ni Asec Arnel de Mesa. Kaya nga po ang sabi natin, mag-imbentaryo ang DA muna. Marami pong mga lugar na sobra-sobra ang mga produkto, sobra-sobra ang mga naitatanim dahil nga sabay- sabay ang anihan. Baka kailangang mag-imbentaryo muna ang DA. At kung sa gulay naman po sa tingin ko hindi naman, ang mga Pinoy sabi ko nga po nakapag-aadjust tayo. Kung puwedeng sayote imbes na papaya. Pupuwedeng carrots muna imbes na mga repolyo.

‘Yung ganoon po ba. Hindi kinakailangang mag- import tayo,” pahayag ni Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa isang radio interview noong Miyerkoles.

Nauna rito ay inanunsiyo ng DA na pinag-aaralan nila na payagan ang pag-angkat ng karagdagang 8,000 metriko tonelada ng isda upang matugunan ang suplay nito sa pamilhan.

Isiniwalat din ng ahensiya ang plano nitong pag-angkat ng gulay at iba pang produktong pang-agrikultura dahil sa magkakasunod na bagyo na nakaapekto sa lokal na produksiyon.

“Noong una, ang aangkating bigas ay 4.5 metric tons ng bigas. Kahapon ay isda naman ang aangkatin dahil maaaring maapektuhan ang suplay ng isda pati gulay. Unang-una po sa usapin ng — bago naman dumating ang bagyo, talaga pong nakatakda na tayong mag- import ng 4.1 million metric tons naging 4.5. At ngayon nga po, ang sinasabi nilang epekto ng bagyo. Ang tingin natin dapat mag- inventory ang DA. Hindi lamang sa bigas kundi pati na rin sa isda at gulay. Mahirap po kasi na ang DA ang nagsasalita na para bang first instance, ay import kaagad,” dagdag pa ni Cainglet.

Aniya, nakalulungkot na sa halip na suportahan ang produkto ng mga lokal na magsasaka at mangingisda mula sa ibang hindi apektadong rehiyon ay importasyon kaagad ang naiisip na solusyon ng pamahalaan na negatibo ang epekto sa mga Pilipinong producers.

Magiging kaawa-awa, aniya, ang mga magsasaka at mangingisda at local agricultural producers kapag patuloy ang pagbaha ng imported na mga produkto sa pamilihan samantalang may mga lugar naman sa bansa na sobra-sobra ang produksiyon ng mga pagkain.

“Hamon po ang panahon na makapagtanim tayo ulit, maka-recover ang mga magsasaka natin, ang mga gulay ay tambak naman ang gulay sa palengke dahil kawawa naman po ang ating mga producers. Sinasabi natin sana e tulungan muna ang ating mga magsasaka, maka-recover, makapagtanim. Makapagbangka ulit sila, makapangisda.

Bago natin isipin na mag-iimport tayo. Long-term po ang importasyon sa gulay. Sasabay siya sa local production.Kawawa naman po ang ating mga farmers,”paliwanag ni Cainglet.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia