NAGPATUPAD ang Philippine government, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ng temporary ban sa pag-angkat ng domestic at wild birds, gayundin ng poultry products mula sa The Netherlands.
Sa isang statement, sinabi ng DA na ang import ban ay ipinatupad matapos ang karagdagang outbreak ng highly pathogenic avian influenza sa European country.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ang import ban ay naglalayong mapigilan ang pagpasok ng bird flu virus “upang protektahan ang kalusugan ng local poultry industry,” isang multi-billion-peso business na nag-uudyok ng malalaking investments, lumilikha ng trabaho, at tumutulong sa pagtiyak sa food security.
Sinabi ni Tiu Laurel na iniulat ng Netherlands’ Ministry of Agriculture, Nature and Food Quality ang karagdagang outbreak ng H5 subtype ng avian influenza noong November 17 sa Putten, Gelderland na nakaapekto sa domestic birds.
Aniya, ang presensiya ng bird flu virus ay kinumpirma ng Wageningen Bioveterinary Research.
Bilang emergency measure, sinabi ni Tiu Laurel na nag-isyu siya ng Memorandum Order no.56, na nag-aatas sa Bureau of Animal Industry na suspindehin ang pagproseso at pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary import clearances para sa importasyon ng domestic at wild birds mula sa The Netherlands, kabilang ang ipoultry meat, day-old chicks, eggs, at semen na ginagamit para sa artificial insemination.
Inatasan din ng DA chief ang lahat ng veterinary quarantine officers at inspectors sa buong bansa na kumpiskahin ang mga produkto na inangkat mula sa Netherlands, maliban sa mga ibiniyahe na o dumating sa local ports matapos ang pagpapalabas ng kautusan.
Para sa poultry products, kailangang nakatay na sila noong o bago ang November 3, 2024.