PINAG-AARALAN ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng opsyon para mapababa ang presyo ng sibuyas, kabilang ang pag-angkat nito.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, nakikipag-ugnayan sila sa onion farmers para malaman kung paano mapapababa ang farmgate price, na kasalukuyang nasa P100 hanggang P120 kada kilo.
“Medyo mataas talaga ang ating farmgate price ngayon. Tinitingnan natin kung paano, kung puwede talagang i-peg na lang sana sa P100 [per kilo] ang farmgate kung saan nakabawi na ating mga magsasaka, may margins na sila,” sabi ni Evangelista.
Kailangan din aniyang i-monitor ng DA ang pagpasok at paglabas ng onion stocks sa cold storage facilities, at i-check ang mga daungan at pamilihan upang malaman kung may smuggled onions na ibinebenta.
“Sa ngayon, wala naman tayong nakikitang imported na mga sibuyas. Pero all the angles are being looked into para we are working on bringing down the price of onions para sa ating consumers,” ani Evangelista.
Nauna nang sinabi ng Bureau of Plant Industry (BPI) na sapat ang suplay ng pulang sibuyas sa bansa hanggang Nobyembre, habang ang puting sibuyas ay hanggang Setyembre.
Para mapababa ang presyo ay sinabi ni Evangelista na kinokonsidera ng DA ang pag-angkat ng sibuyas ngunit hindi niya sinabi kung kailan ito maaaring isagawa.