NAPAPANSIN ba ninyo, sa palagay ko karamihan sa atin ay nag-aantabay tuwing alas-4 ng hapon sa pinakasariwang balita na inilalabas ng DoH sa araw-araw na bilang ng kaso ng tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Matatandaang nagulantang ang sambayanan nang makapagtala tayo ng 37,103 ng kaso ng COVID-19 sa isang araw noong ika-14 ng Enero. Samantalang isang buwan lamang ang nakaraan, nakapagtala lamang ang bansa ng 47 new cases ng COVID-19 noong ika-14 ng Disyembre noong nakaraang taon.
Kaya naman nakakagulat at nakakapraning kapag nakakarinig tayo ng mga balita na ang mga malalapit nating kaibigan at kamag-anak ay tinatamaan na rin ng COVID. Sa katunayan, ang panganay kong anak ay tinamaan din ng nasabing sakit. Masuwerte na lamang at nakagawa kami ng mga tamang hakbang upang hindi kumalat at makahawa pa sa ibang miyembro ng pamilya ko.
Ang magandang balita naman ay ang sinasabing Omicron variant ng nasabing virus ay hindi kasing grabe ng orihinal na COVID at ng kanyang Delta variant. Kapansin-pansin na mababa ang naitala na namamatay dulot ng COVID nitong nakalipas na dalawang buwan.
Sabi nga ng iba, ang Omicron variant ay parang ordinaryong sipon at ubo lamang. Magkakaroon ng sinat na masusundan ng sore throat, sipon at ubo. Sa loob ng limang araw ay kapansin-pansin ang pagginhawa ng pakiramdam. Nawala na ‘yung sintomas ng pagkawalan ng panlasa at pang-amoy. Wala rin ‘yung pakiramdam na nagsisikip sa paghinga sa Omicron variant.
Kaya naman may mga siyentipiko na nagsasabi na ito na ang hudyat ng tinatawag na ‘herd immunity’ o ang paglakas ng resistensiya ng ating katawan laban sa virus na ito. Parang hindi na rawxdapat katakutan ang COVID at parang kasama na sa ating buhay ang tamaan ng nasabing sakit at halos bihira na ang maaaring mamatay sa sakit na ito.
Kaya naman ang OCTA Research ay nagbigay ng pag-aaral na maaaring bumagsak ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero. Magandang balita ito!
Ayon sa Octa Research, ang pagdami ng bilang ng COVID cases ay bumagsak mula sa 0.91 sa 0.71. Kaya naman daw kung patuloy ang ganitong paggalaw ng pagliit ng bilang, baka pagsapit ng Araw ng mga
Puso ay maaaring luluwag na ang galawan natin sa publiko.
Ooooops. Teka, teka. Hindi nangangahulugan na dapat ay luluwag na rin ang pananaw natin laban sa COVID-19 ha? Ganito ang nangyari noong Disyembre. Noong bumabagsak na ang bilang ng kaso ng COVID, nagmistulang parang nawala na ang virus sa Pilipinas! Labas dito, labas doon. Bumalik ang masikip na trapik sa lansangan. Halos mapuno ang mga pasyalan at kainan. Ang mga basketball court ay puno ng mga manlalaro kasama na ang mga nanonood. Karamihan ay hindi na nagsusuot ng face mask.
Sana ay natuto na tayo sa leksiyon na ito. Tandaan. Bagong virus ito. Tulad ng orihinal na COVID-19, nagbabago at nagkakaroon ng variant tulad ng Delta at Omicron. Maaaring may sumulpot na panibagong variant kung magpapabaya tayo sa kampanya natin laban dito.
Ang mga pharmaceutical companies ay patuloy ang pagsasaliksik upang makadiskubre ng gamot na talagang susupil sa COVID-19. Ang ibig sabihin nito ay wala pa tayong kasiguraduhan sa ugali at galaw ng COVID-19. Mag-ingat pa rin tayo.