IGINIIT ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangangailangan sa napapanahong pag-apruba sa panukalang Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) bill dahil sa patuloy na pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic kung saan apektado ang Filipino migrant workers, ang ilan sa kanila ay nawalan ng trabaho at napipilitang umuwi.
“Maraming nawalan ng trabaho dala ng COVID-19. Apektado po ang mga empleyado dito sa bansa at pati rin ang mga nagtatrabaho abroad. Mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno para matulungan ang mga apektadong Filipino kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng mga OFW,” wika ni Go.
Binigyang-diin ni Go ang kagyat na pangangailangan para sa paglikha ng bagong departamento na ito dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Aniya, kailangang pagtuunan ng pansin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pangangailangan ng domestic labor habang ang DOFW, kapag binuo sa pamamagitan ng panukalang batas, ay tututok sa OFWs para sa kanilang full-cycle migration, mula sa pag-alis sa Filipinas hanggang sa pagtatrabaho sa ibang bansa at sa kanilang reintegration sa bansa kalaunan.
“Nararapat lamang na may tumutok sa mga pangangailangan ng OFWs lalo na ‘yung mga napilitang bumalik sa bansa. Matagal din po silang nagsakripisyo at nawalay sa kanilang mga pamilya. Hindi po matutumbasan ang hirap na dinanas nila para lang buhayin ang mga pamilya nilang iniwan dito,” paliwanag ni Go.
“Ngayon na napilitan silang umuwi dahil sa krisis, dapat lang bigyan ng sapat na atensiyon ang kanilang mga pangangailangan para matulungan ang ating mga bagong bayani na makabangon muli,” dagdag pa niya.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), inaasahan ng pamahalaan ang pagbabalik sa bansa ng may 300,000 OFWs dulot ng lockdowns sa iba’t ibang panig ng mundo. Hanggang nitong Mayo 25, may 27,000 OFWs na ang bumalik sa bansa habang nasa 43,000 iba pa ang inaasahang uuwi ngayong Hunyo.
“Due to the consequences of the pandemic, there is a growing need to provide reintegration programs for OFWs who would like to return and permanently settle in the country. Moreover, there is also a need to improve coordination among all agencies and offices dealing with OFW concerns to improve government service delivery. “
“Masakit makitang iniiwan nila ang kanilang mga mahal sa buhay upang magtrabaho lang sa mga malalayong bansa. Suklian natin ang kanilang mga sakripisyo ng mas maayos na serbisyo,” sabi pa ng senador.
Comments are closed.