PAG-ARALANG MABUTI ANG CIVIL PARTNERSHIP BILL

KAHIT saang dako ng mundo, nakararanas daw ng bullying at diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer or questioning, or another diverse gender identity).

Nararanasan din iyan ng mga estudyante sa maraming lugar sa Pilipinas dulot ng kanilang sexual orientation at sexual identity.

Kabilang ang Human Rights Watch sa mga grupong nagdodokumento ng mga kasong ito.

May batas naman sa bansa na nagbibigay ng proteksiyon sa diskriminasyon at pag-itsa-pwera sa mga paaralan, kailangan pa ring kumilos ng mga mambabatas at administrador ng mga eskuwelahan upang siguruhing lubos na naipatutupad ang mga ito.

Detalyado ang mga pag-aaral ng iba’t ibang grupo.

Nariyan ang talamak daw na bullying at harassment.

Umiiral din daw ang mga patakaran at gawaing mapanghusga, at ang kawalan ng resources na sumisira sa karapatan sa edukasyon ng kabataang LGBTQ+ sa ilalim ng international laws at naglalagay tuloy ito sa kanila sa posibleng panganib.

Ayon kay Ryan Thoreson ng HR Watch, ang mga estudyanteng LGBTQ+ sa bansa ay kadalasang target ng pangungutya at pati karahasan.

Kapansin-pansin din na napakakaunti ng mga estudyanteng may access sa mga guro o tagapayong nahasang sumuporta sa kabataang kasapi ng ikatlong lahi.

Sa ating bansa, bagama’t tanggap na ng marami ang relasyon ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae ay hindi naman sila maaaring magpakasal.

Hanggang pagsasama o live-in lamang ang maaari nilang gawin para maging legal ang kanilang pagtataling-puso.

Kaya isinusulong ng isang kongresista ang Civil Partnership Bill na layong kilalanin ang civil partnerships ng same-sex couples sa bansa.

Muling inihain ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette ang bill dahil nais niyang matamasa ng same-sex partners ang mga karapatan na mayroon ang straight married couples.

Umaasa si Herrera na makalulusot ito sa 19th Congress.

Saad sa explanatory note ng House Bill No. 1015 ni Herrera: “It is about time that the Philippine government grant couples — whether they are of the opposite or of the same sex — adequate legal instruments to recognize their partnerships, respecting their dignity and recognizing equality before the law.”

Para maging legal ang civil partnership ng same-sex couples ay kailangang nasa 18 taong gulang na sila at malaya mula sa anumang kasal o existing civil partnership.

Ang lahat ng papasok sa civil partnerships ay gagawaran ng lahat ng benefits at proteksiyon na tinatamasa ng mga mag-asawa sa ilalim ng mga umiiral na batas, administrative orders, court rulings o kahit ang mga nakahanay bilang public policy o anumang nanggaling sa batas sibil.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang sinumang gustong pumasok sa anumang civil partnership ay kinakailangang maghain ng isang sworn application para sa isang civil partnership contract sa pinakamalapit na local civil registrar.

Maaaring pag-usapan o ayusin ng civil partnership couples ang kanilang property relations sa pamamagitan ng isang pre-civil partnership agreement.

Itinutulak din sa ilalim ng panukalang batas ang pagpapataw ng multa na nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon laban sa sinuman na tumangging mag-isyu ng civil partnership contracts kahit pinapayagan ito sa ilalim ng batas.

Sa aking palagay, tila dadaan sa butas ng karayom ang Civil Partnership Bill ni Herrera.

Kung hindi ako nagkakamali, may isang probisyon kasi sa Family Code na hindi maaaring magpakasal ang same-sex couples.

Ang kahulugan kasi ng kasal sa ilalim ng batas ay isang “special contract of permanent union between a man and a woman.”

Minsan nang kinuwestiyon sa Supreme Court ng isang abogado ang Family Code provision na iyon ngunit ibinasura lamang ito ng Kataas-taasang Hukuman noong 2018 dahil sa procedural grounds.

Kaya ngayon pa lamang ay dapat suriing mabuti, lalo na ng upper at lower houses, ang panukala ni Herrera dahil tiyak na maraming tatamaan dito, bukod pa sa Family Code at Iglesia Katolika.

Wala namang masama sa panukalang batas ni Herrera.

Ang mahalaga rito ay walang tatamaan at nakokonsulta ang lahat ng sektor.

Baka kasi sa bandang huli, tulad ng mga nakalusot nang batas noong mga nakaraang taon, ay saka pa natuklasan ang mga butas kung kailan may lagda na ng Pangulo o naging ganap nang batas.