PAG-ARALANMABUTI ANG PAGBUBUKAS MULI NG PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON

Magkape Muna Tayo Ulit

Nag-anunsiyo kahapon ang DOTr na posibleng magbukas na nga paunti-unti ang pampublikong transportasyon sa mga piling lugar sa ating bansa. Subali’t nakasalalay ito sa mga lugar na bumababa na ang mga bilang ng kaso ng COVID-19 matapos ang pagpapatupad ng ECQ. Planong itaas ang nasabing kautusan sa ika-15 ng buwan na ito.

Tila tinitimbang ng ating gobyerno ang pag-aalis ng ECQ at kaunting paluwagin ang patakaran na ito.  Lumalaki na kasi ang epekto ng ECQ sa ating ekonomiya habang nagtatagal ito. Halos dalawang buwan na tayo na naka- ECQ kung saan hinto ang galaw at kalakaran ng negosyo ng ating bansa.

Sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod at rehiyon na mataas pa ang bilang ng kaso ng COVID-19, pinag-iisipan pa ng pamahalaan kung papaano maibalik ang operasyon ng pampublikong transportasyon pagkatapos ng ika-15 ng Mayo.

Sa aking pananaw, kung plano nilang ibalik ang operasyon ng pampublikong transporatsyon, maliban sa pag-alala sa proteksiyon ng ating kalusugan upang hindi muling kumalat ang COVID-19 kailangan din nilang isipin ang magandang idinulot ng ECQ sa pagpapahinto ng operasyon ng mga pampublikong transportasyon. Ito ay ang malaking pagbawas ng polusyon sa ating kapaligiran.

Ang karamihan kasi ng ating mga pampublikong transposrtasyon tulad ng jeepney at bus ay mga luma na ang mga makina nilang ginagamit. Nagbubuga ang mga ito ng maitim at maruming usok. Malinaw ang ebidensiya. Malaki ang pagbuti ng kalidad ng hangin sa Metro Manila simula nang ipatupad ang ECQ.

Bago nila payagang maglayag ang mga pampublikong transportasyon tulad ng bus at jeep, kailangan ay sumunod sila sa plano ng gobyerno tungkol sa modernisasyon. Hindi na nila puwede idahilan ang kahirapan. Lahat tayo ay naghirap sa panahon ng ECQ. Ang ating pamahalaan ay nag- ambag pa sa mga mahihirap upang maitawid ang kawalan ng trabaho sa pamamagitan ng social amelioration program (SAP) kung saan ang iba ay inabuso ang prebilehiyong ito at ginamit sa sugal, sabong, droga at kung ano-ano pa. Haaaay.

Dapat ay samantalahin na ang pangyayaring idinulot ng ECQ at paigtingin ang istriktong implementasyon ng Clean Air Act. Ganun din sa polisiya ng DOTr at LTFRB sa kanilang public transportation modernization program.

May mga pag-aaral din na lumabas na nakatulong ang polusyon sa pagkalat ng COVID-19. Ayon sa pagsasaliksik ng Science of Total Environment na lumabas sa World Economic Forum, lumilitaw na ang matagal na exposure sa air pollution, malaki ang kontribusyon nito sa pagtaas ng bilang ng may sakit ng COVID-19. Nakita rin ang nasabing virus sa pollutant particles sa Italy kung saan grabe ang kaso ng COVID-19.

Kaya naman sana ay timbangin ng mabuti ng ating pamahalaan ang pag-aaral na ito. Kung mayroong masamang epekto na idinulot ang ECQ, may lumabas naman na magandang pangyayari sa ating kalikasan dahil dito.  Panatilihin na malinis ang hangin ng ating kapaligiran.

One thought on “PAG-ARALANMABUTI ANG PAGBUBUKAS MULI NG PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON”

  1. 442541 73962Whoah this blog is magnificent i really like reading your articles. Keep up the great paintings! You realize, a great deal of persons are looking round for this information, you could aid them greatly. 453575

Comments are closed.