NANINIWALA si Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. na nakaungos ang tropa ng pamahalaan laban sa mga lokal na teroristang kaanib ng Islamic State (ISIS) at Al Qaeda sa bansa nang madakip ang global terrorist na si Myrna Mabanza.
Positibo si Acorda na nakakaapekto sa cash flow ng mga lokal na terorista sa Mindanao ang pagdakip kay Mabanza dahil kumpirmado na siya ang local financial conduit ng mga foreign terrorist groups.
Si Mabanza ay naaresto nitong Huwebes, Pebrero 15, ng pinagsanib na puwersa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Anti-Money Laundering Council (AMLAC) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Barangay Pasil, Indanan, Sulu.
Nahaharap si Mabanza sa limang counts ng paglabag sa RA 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o The Anti-Terrorism Act of 2020.
Sangkot si Mabanza sa paglipat ng $107,000 sa ISIS-Philippines leader Isnilon Hapilon at naging taga-hatid din ng pera sa ibang ISIS member.
EUNICE CELARIO