PAG-ASA AT PAGKALINGA SA CANCER PATIENTS

CANCER. Marinig o mabasa mo pa lang ang salitang ito, kikilabutan ka na. Para sa nakararami, katumbas ng salitang ito ay Kamatayan.

Sa kasalukuyan, isa pa rin sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino sa bansa ay ang cancer.

Base nga sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, pangatlo ang cancer sa mga dahilan ng kamatayan sa Pilipinas mula Enero hanggang Mayo ng taong 2022. Ang ibig sabihin, 9.8 porsiyento ng mga nakamamatay na sakit sa bansa ang kanser na pinangungunahan ng ischaemic heart diseases na 18.6% na sinusundan naman ng cerebrovascular diseases (10.4%).

Sa 2020 cancer profile ng World Health Organization sa Pilipinas, umabot sa mahigit 141,000 ang Philippine cancer cases na ibinase nila sa 2018 data, kung saan mahigit 86,000 ang namatay dahil sa cancer.

Sa datos namang nakuha ng WHO noong 2016, naitala sa Pilipinas ang mahigit 245,000 premature deaths mula sa non-communicable diseases o NCDs, kung saan 18.2 porsiyento nito ay dahil sa cancer.

Ayon kay Dr. Jorge Ignacio, chairman ng Cancer Institute ng Philippine General Hospital, nakikita nila ang malaking posibilidad ng paglobo ng cancer at pagdami ng mga maa-admit nito sa pagamutan sa mga darating na dalawa o tatlong taon. Ito, aniya, ay sa dahilang hindi nagabayan nang husto ang cancer patients sa mahigit dalawang taong pandemya dahil sa ating restricted mobility. Ang pagkakatigil ng gamutan, ayon kay Dr. Ignacio, ay posibleng nagpalala sa kalagayan ng cancer patients.

Sabi pa ni Dr. Ignacio, 75 porsiyento ng cancer cases sa PGH ay nasa malalang estado na dahil nga sa naputol na gamutan sa mahigit dalawang taon ng pandemya.

Kaya umaayon tayo kay Dr. Ignacio nang ssabihin niyang malaking tulong ang konstruksiyon ng P6-B cancer center dahil mas maraming cancer patients na ang matutulungan at posibleng mabawasan na rin ang mga kaso nito sa PGH para tiyak na matututukan ang lahat ng pasyente ng cancer.

Ang konstruksiyon po ng bagong cancer center ay base sa iniaatas ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act kung saan tumayo tayong co-author at co-sponsor sa pagsasabatas nito noong ika-17 Kongreso.

Ang naturang cancer center na sasailaliim pa rin sa pangangasiwa ng Department of Health ay magkakaloob ng iba’t ibang serbisyo tulad ng paggamot sa cancer patients; pagsasaliksik kung paano maiiwasan ang cancer; pagsasanay para sa medical professionals, health officers and social workers; at pagtulong sa mga unibersidad ospital at research institutions sa kanilang pag-aaral sa cellular anomalies.

At bilang chairman ng committee on finance ng Senado, siniguro rin natin na may pondo ang mga programa at proyektong mangangalaga sa mga kababayan nating may cancer, lalo na yaong mga sumasailalim sa napakamahal na gamutan.

Katunayan, sa ilalim ng 2020 national budget, naglagak tayo ng P189.96 miilyon para sa non-communicable diseases. Sumunod na taon naman, 2021, itinaas natin ang pondo sa P771.3 milyon, alinsunod sa iniaatas ng RA 11215, partikular ang implementasyon ng National Integrated Cancer Control Program.

Nito namang 2022 national budget, lalo pang tumaas ang budget natin para sa pagsugpo sa cancer – P1.7-B dahil nga sa posibilidad ng pagdami pa ng kaso nito pagkatapos ng pandemya.

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng 2023 GAA, umabot ang pondo sa P1.56B kung saan P1.1B dito ay inilaan sa cancer prevention, detection, treatment and care. Sakop ng pondo ang paggamot sa walong treatable cancer types o yung mga uri ng cancer na maaari pang malunasan.

Asahan po ninyo na bagaman wala pa talagang gamot na tatapos sa panganib ng cancer, mananatili pong handa ang inyong mga lehislador na magpondo sa mga programa at proyektong nakalaan para mapunan ang mga pangangailangan ng mga kababayan nating may cancer.