TILA huminto ang pag-ikot ng mundo ngayong taong 2020 dahil sa pandemyang COVID-19. Magpasa-hanggang ngayon ay matindi ang pag-iingat at paghahanda ng bawat bansa sakaling dumating ang tinatawag na second wave ng nasabing virus. Sa pagpapanatili ng ating katatagan at katinuan, isang malaking tulong na ang mga internasyonal at lokal na mga organisasyon ng isports, partikular na ang basketbol, ay nakahanap ng paraan upang magpatuloy sa pagbibigay ng pag-asa sa mga tagahanga ng nasabing isports.
Gaya ng inaasahan, maraming mga tagahanga ng basketbol ang nagalak sa muling pagbabalik ng ikalawang yugto ng NBA 2020. Upang masiguro ang kaligtasan ng mga manlalaro laban sa COVID-19, nagpagawa pa ang NBA ng ‘bubble’ sa Orlando. Tanging ang mga manlalaro at mga empleyado, at iba pang miyembro ng koponan na negatibo sa COVID-19 ang maaaring pumasok sa ‘bubble’. Naging matagumpay ang pagtatapos ng regular na season ng NBA, at sila ay dumeretso na sa tinatawag na playoffs kung saan nanaig ang koponan ng Los Angeles Lakers kontra Miami Heat.
Gamit ang NBA bilang inspirasyon, ang lokal na organisasyong PBA ay nagsagawa rin ng ‘bubble’ sa Clark, Pampanga upang doon idaos ang All Filipino Cup Season. Gumawa naman ng kasaysayan ang koponang Ginebra San Miguel nang muli nilang makamit ang kampeonato matapos ang 10 taon mula sa kanilang huling panalo. Tinalo nila ang TNT Tropang Giga matapos ang limang laro.
Anuman ang naging resulta ng mga torneo ng NBA, PBA, at ng iba pang organisasyong pang-isports, ang simpleng katotohanan na nagpatuloy ang nasabing mga torneo upang magbigay saya at pag-asa ay sapat na para sa mga milyon-milyong tagasubaybay nito. Ito ay nagsisilbing isa sa mga magagandang bagay na nangyari sa gitna ng pandemyang COVID-19 at mga kalamidad.
Ang internasyonal na pederasyon ng basketbol ay pinananatili ang momentum at sinisigurong hindi malilimutan ng mga tao ang basketbol. Ang FIBA at ang Smart, isa sa mga malaking kompanya ng telekomunikasyon sa bansa, ay nagsanib-puwersa para sa isang global na pagsasama bago magsimula ang FIBA Basketball World Cup 2023.
Ang apat na taong pagsasamahan sa pagitan ng Smart, FIBA, at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay pormal na inanunsiyo sa isang virtual press conference na ginanap kamakailan. Ito ay tiyak na maghahatid ng saya sa tahanan ng mga pamilyang Filipino.
Ang kampanyang ito ay tiyak na aabangan ng mga tagahanga ng basketbol hanggang 2023. Sa ilalim ng kasunduan ng mga partido, Smart ang magiging opisyal na katuwang ng FIBA World Cup 2023. Smart ang mangangasiwa sa paghahatid ng serbisyo ng telekomunikasyon na may kinalaman sa nasabing torneo.
Ang isa pa sa kapana-panabik na aspeto ng torneong ito ay ang pagpapalabas nito upang mapanood ng mga tagahanga nasaan mang bahagi sila ng mundo. Ang kasunduan ay nagbibigay rin ng komersiyal na karapatan sa lahat ng kompetisyong pinangangasiwaan ng FIBA, kasama ang Olympic Qualifying Tournament, FIBA Continental Cup, FIBA Youth World Cups, FIBA Women’s Basketball World Cup 2022, at ang pinakamalaking torneo nito, ang FIBA Basketball World Cup 2023.
Sa ating bagong normal kung saan lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis at maaasahang serbisyo ng internet at mataas na antas ng bilis ng mobile data, malaki ang gagampanan ng Smart sa mga kaganapang may kaugnayan sa FIBA Basketball World Cup 2023 gamit ang kanilang pinakabagong teknolohiyang Smart 5G. Makaaasa ang mga tagasubaybay nito sa isa na namang kapana-panabik at puno ng aksiyon na torneo na maaari nilang mapanood sa loob ng kanilang mga bahay.
Sa unang pagkakataon ay gaganapin ang FIBA Basketball World Cup 2023 sa tatlong magkakaibang bansa — Filipinas, Japan, at Indonesia, mula ika-25 ng Agosto hanggang ika-10 ng Setyembre, 2023. Ang Group Phase ay gaganapin sa tatlong nabanggit na bansa, at ang pinakahuling yugto ay gagawin sa Manila. Ang FIBA at ang Smart ay magtutulungan sa pagbibigay ng maganda at kapana-panabik na karanasan hindi lamang sa mga manonood kundi pati na rin sa mga atleta.
Ang virtual press conference ay dinaluhan nina Manuel V. Pangilinan, PLDT Chairman, SBP Chairman Emeritus at FIBA Central Board Member; Alfredo S. Panlilio, Smart President and CEO at SBP President; at ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis.
Ayon kay Pangilinan, ang samahang ito ng Smart at ng FIBA ay isang malaking bagay hindi lamang para sa Smart kundi para sa buong bansa. Bilang resulta ng mga pagbabagong isinagawa ng Smart, makaaasa ang mga susubaybay sa torneo na magiging maganda ang kanilang karanasan kahit online lamang ang paraan upang masubaybayan ito.
Ayon naman kay Panlilio, ang samahang ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagsiguro na mapapanood ang mga atletang Filipino maging sa ibang bansa. Dagdag pa ni Panlilio na ang Smart ay isa sa mga nangungunang kompanya kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay ng suporta sa mga atletang Filipino patungo sa rurok ng kanilang tagumpay.
Ikinagagalak naman ni Zagklis ng FIBA na maging katuwang ng FIBA ang Smart Communications. Isang magandang pagkakataon ang makipagsosyo sa isa sa mga pinakamalaking kompanya na nangunguna sa larangan ng telelkomunikasyon gaya ng Smart. Malaking tulong ito sa pagdadala ng mga hindi mapapantayan at matatawarang pagkakataon kaugnay ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Dagdag pa ni Zagklis na ang paghahatid sa mga tagahanga ng basketbol ng hindi mapapantayang karanasan sa panonood, live man ito o online, ay isang napakahalagang aspeto ng anumang kaganapang kaugnay ang FIBA lalo na sa pinaka-inaabangang FIBA Basketball World Cup 2023. Inaabangan din niya ang pagsisimula ng nasabing samahan dahil nais niyang masubukang gamitin ang pinakamodernong teknolohiya at kapasidad ng 5G.
Sa kabila ng pandemyang COVID-19 ay dapat manatili tayong puno ng pasasalamat sa mga biyayang ating natanggap ngayong taon. Tayo ay pinagpalang magkaroon ng mga lider sa isports, mga masisipag at magagaling na atleta na patuloy na nagbibigay saya at pag-asa sa ating lahat kahit ito ay may kaakibat na panganib na dala ng pandemya. Hindi man sila frontliner, malaki naman ang kanilang papel na ginagampanan sa pagpapanatili ng katinuan ng sambayanang Filipino.
Comments are closed.