ISA sa mga mahihirap na komunidad dito sa atin ay ang Payatas.
Kilala ito bilang dumpsite o tambakan ng basura.
Sa kasalukuyan ay mayroong 139,740 residente rito at nasa 28,152 ang mga pamilyang narito. Karamihan sa kanila ay mahihirap, below poverty line. Kalimitan, ang trabaho nila ay ang pangangalakal o pagkakalkal ng basura upang humanap ng mga bagay na maaaring ibenta. May ilan din sa kanilang nagpapatakbo ng junkshop o nagtitinda bilang sidewalk o street vendor.
Ayon pa rin sa datos, nasa P131 kada araw lamang ang kita ng isang scavenger sa Payatas. Ang vendor naman ay kumikita ng nasa P114.25 kada araw, at ang junkshop operator ay may P323.30 lamang bawat araw.
Dahil dito, may mga organisasyong nagpapaabot ng tulong sa mga pamilyang nakatira sa Payatas. Ilan dito ay ang ilang mga labor union dito sa atin at sa bansang Korea. Nagtulungan ang National Union of Bank Employees, Korea Financial Industry Foundation (KFIF), at ang UNI Global Union Asia & Pacific Regional Organization (UNI Apro) upang mailunsad ang Payatas Livelihood Training Center. Ito ay naglalayong magbigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga residente sa Payatas upang hindi na sila umasa sa pamamasura.
Ito ay inilunsad nito lamang ika-22 ng Nobyembre. Hindi lamang isang venue ito para sa mga gaganaping training, bagkus, ito rin ay naglalayong makapagbigay ng mga kagamitan na kailangan upang ma-recycle ang mga basura at maibenta pa ang mga ito.
Ang Payatas Training and Livelihood Program ay pinondohan ng Korea Financial Industry Foundation (KFIF).
Kabilang din sa proyekto ang mga sumusunod: Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Women’s Center, ang Karapatan ng mga Kababaihan sa Lipunan, Inc. (KABALIN), ang Department of Labor and Employment – Makati Tripartite Industrial Peace Council (DOLE-MTPIC), at ang Barangay Payatas.