(ni CRIS GALIT)
BINONDO, Manila – Dito sa pinakamatandang Chinatown sa buong mundo makikita ang iba’t ibang pagdaraos ng selebrasyon ng Chinese New Year. Narito halos ang lahat ng tradisyonal na pagdiriwang tulad ng dragon dance, mga masasarap at authentic na pagkaing Tsino, at kung ano-ano pang makukulay na paggunita sa panahong ito.
Ang selebrasyong ito ay bahagi na rin ng kultura ng mga Filipino. Siguro, dahil na rin sa iisang hilig natin – ang kumain. Hindi kaila sa lahat na ang nakatatakam na mga pagkaing authentic Chinese ngunit higit sa lahat, ang pagkakaroon ng positibong kahulugan nito na angkop sa ating pang-araw-araw na buhay.
Sa kanilang mga pagkain, laging mayroong kaakibat na kahulugan.
Halimbawa na lang, ang Tikoy, na sinasabing nakapagdadala ng suwerte at malaking kita sa panahong ito at isa rin itong offering sa “Kitchen God” at dahil sa taglay na lagkit nito, maiiwasan din umano ng isang pamilya ang makapagsalita ng masama sa harap ng Jade Emperor.
Longevity noodles – walang panahon ang noodles sa mga Tsino pero tuwing “Bagong Taon”, mas malaki ang puwersang dala nito para makapaghatid ng saya at pampahaba ng buhay.
Ang kanilang dumplings, spring rolls, fish at good fortune fruit ay kayamanan ang hatid sa kanilang buhay at pamilya na hindi dapat mawawala sa kanilang handa.
DRAGON DANCE
Hindi nawawala ang tradisyonal na sayaw na ito. Naniniwala ang mga Tsino na ang mga dragon ang may kontrol sa tubig, ulan, bagyo at pagbaha. Sa tradisyong ito, nawawala umano ang mga masasamang espiritu at nakapagdadala ng suwerte at maraming biyaya sa komunidad.
CHINESE NEW YEAR ACTIVITIES
Makukulay ang selebrasyon ng Chinese New Year. Naglalagay ang mga ito ng iba’t ibang dekorasyon – usually, ginagawa ang dekorasyon sa kalye isang buwan bago ang pagdiriwang at pula naman ang pangunahing kulay nito, mayroon ding reunion dinner (sinasabing ito rin ang pinaka importanteng “meal” ng taon) kasama ng pamilya sa New Year’s Eve, hindi nawawala ang pagsisindi ng firecrackers at fireworks at ang pamimigay ng ampao at iba’t ibang regalo sa bawat miyembro ng pamilya.
POSITIBONG EPEKTO NG CHINESE CULTURE AT TRADITION
Anuman ang pagdiriwang natin, laging ang kaakibat nito ay ang pagkakaroon ng positibong pag-asa sa hinaharap ng bawat isa, na kahit anumang pagsubok ang dumating, mapagtatagumpayan ito ng sama-sama basta’t may pananalig sa Maykapal at tiwala sa sarili.
Ngunit higit sa lahat, ang gumawa lagi ng mabuti hindi lamang sa sarili, kundi ang makabubuti sa nakararami.
(Nina Edwin Cabrera at Roma Praxides)
ANG TAONG 2020 ay year of the metal rat. Bilang likas na sa ating mga Filipino ang pagsunod sa mga kaugalian o kultura ng mga Intsik, lalo na at kilala ang mga Intsik na mahusay sa negosyo, taon-taon rin nating inaabangan ang mga makabubuting pamamaraan nila para sa pag-unlad ng ating pananalapi. Kaya naman kabi-kabilang astrological forecast na rin ang kumakalat sa mga pahayagan, telebisyon at internet.
Kamakailan nga lamang ay iprinisinta ni Datuk Joey Yap sa The Edge-RHB ang mga oportunidad o panganib ngayong taon na pinamagatan niyang Feng Shui & Investment Outlook. Aniya ang pinakamalakas daw na element ngayong taon ay ang earth element. Tiyak daw niya na marami ang nangangambang hihina ang ekonomiya sa taong ito ngunit kaniya itong pinabulaanan. Payo niya, bagama’t masusubukan ang katatagan ng mga negosyante sa taong ito, makabubuting pag-igihin na ang pamamalakad sa negosyo sa simula pa lamang ng taon.
“If you are an entrepreneur, you will have a lot of new ideas [on how to make money]. If you are not, you should probably start your own thing,” wika ni Yap. Sa madaling salita, magiging maganda ang taong ito upang hikayatin mo ang iyong sarili para magsimula ng negosyo. Makabubuti na kumonsulta sa mga may kaalaman pagdating sa negosyo. Maaari mo ring madagdagan ang iyong kaalaman sa pagpunta sa business expositions, seminars at iba pa.
May suhestiyon naman siya kung paano magagamit ang Feng Shui chart sa ating mga tahanan. Ang mga pinakaimportanteng bahagi raw ng ating tahanan sa taong ito ay ang hilagang-kanluran na kaniyang tinawag na “wealth star”. Kung nais mo naman ng bagong oportunidad ay makabubuti ang kanlurang bahagi ng iyong tahanan.
“Do your planning there [in the west], read your newspaper there and do your homework there. If you really cannot, you can use the water element [to activate the corner]. But only put it there for a short period of time,” mungkahi ni Yap.
Dagdag pa niya, ang kaniyang ulat ay gabay lamang. Hinihikayat niya ang lahat na mayroon pa rin tayong free will upang makapagdesisyon sa mga bagay-bagay. Kung iyong napansin na tila ba puro negatibo ang nakatala ayon sa iyong zodiac sign, mabuting oportunidad daw ito upang pabulaanan ito.
Ayon sa mga Feng Shui expert, ang mga ipinanganak ng Year of the Rat ay susuwertihin ngayon 2020. Hindi lamang sa pag-ibig, lalong-lalo na sa larangan ng pagnenegosyo. Ikaw ay kabilang sa Year of the Rat kapag taong 1912, 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, at 2020 ang iyong kapanganakan. Ang Rat ay itinuturing na unang simbolo ng 12 animal cycle sa Chinese Astrology.
Pinaniniwalaan na ngayong 2020 mainam na magsimula ng negosyo, dahil sinisimbolo ng Rat ang bagong simula.
May limang elemento rin na bubuo sa Chinese Astrology, ito ay ang Wood, Earth, Water, Fire at Metal. Metal naman ang elemento ng Year of the Rat para sa 2020. Kilala bilang mapagsaliksik, matalino, at mapamaraan ang mga Year of the Rat.
Ngunit ayon sa libro ni Donna Stellhorn, mayroong dalawang pagsubok na kakaharapin sa taong ito. Ito ay, maaaring ‘di mo pa alam kung saan magsisimula at kung ano ba ang gusto nilang tahaking landas. Wika pa ni Stellhorn ay huwag matakot na sumubok ng mga bagay-bagay. Patuloy na mag-aral at matuto, dahil siguradong ang mga itatanim mo ay may magandang bubungahin. Isa pang pagsubok ay alam mo sa iyong sarili na ito ang dapat gawin subalit nanaig ang takot mo na simulan ang isang bagay. Dahil dito, posibleng maantala ang tagumpay.
Ngayong 2020, hindi lamang para sa mga Year of the Rat ngunit para sa lahat, ang suwerte ay nasa iyong sarili. Maniwala kang kaya mong harapin ang lahat ng pagsubok at malalampasan mo ito, siguradong makakamit mo ang tagumpay sa iyong negosyo at sarili. KUNG HEI FAT CAI!
NARITO ANG IBA’T IBANG PREDIKSIYON SA MGA YEAR OF THE RAT AYON SA CHINESE ASTROLOGY
Born in 2008, Edad: 12
Mag-aral ng mabuti at humingi ng payo sa tinitingalang nakatatanda upang maging gabay. Pagkaingatan mabuti ang kalusugan dahil may tiyansang magkaroon ng sakit.
Born in 1996, Edad: 24
Maganda ang kapalaran ngayong 2020 pagdating sa iyong career. May mga pagsubok na kakaharapin ngunit katumbas naman nito ay mga oportunidad na mapalago ang sarili. Pinapayong huwag ipilit ang mga bagay na hindi para sa iyo. Sa kalusugan naman, magiging maayos ito ngunit huwag kalimutang mag-exercise.
Born in 1984, Edad: 36
Maganda ang patutunguhan kung magpapakita ng dedikasyon sa trabaho. Malaki ang tiyansiya na makamtan ang inaasam na promosyon sa trabaho. Huwag lamang kalimutang bigyang pansin ang kalusugan, pakinggan ang katawan, ingatan ang sarili. Sa mga may negosyo, tiyak na uunlad ang negosyo kung papanatilihin ang kasipagan.
Born in 1972, Edad: 48
Kakaharapin mo ngayong taon ay problema sa iyong asawa. Ngayong 2020 ay masusubukan ang iyong tatag sa aspeto ng trabaho, kalusugan at pamilya. Panatilihing positibo ang tingin sa buhay.
Born in 1960, Edad: 60
Ang pera ay gastusing mabuti at pag-isipan kung saan mas makabubuting ilaan ito. Bigyang pansin ang iyong kalusugan. Siguraduhing nakakapag-exercise araw-araw.
Born in 1948, Edad: 72
Ang relasyon sa pamilya ay pagtibayin pa, para makaiwas sa mga alitan. Pag-ingatang mabuti ang kalusugan at kumain ng masusustansiyang pagkain. Sa negosyo naman, magiging mas matagumpay pa ito kung papanatilihin ang mabuting asal sa mga katrabaho o empleyado.
Comments are closed.