(Pag-atake napigilan) 2 DAULAH ISLAMIYA TERRORISTS NAPATAY

SOUTH COTABATO- NASUPIL ng mga tauhan ng Philippine Army 6th Infantry Division ang bantang terorismo nang mapatay nila sa naganap na sagupaan ang dalawang Daulah Islamiya Terrorists sa Barangay Lapu, Polomolok ng lalawigang ito.

Ayon kay Major General Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, dalawang Daulah Islamiya terrorists ang napaslang ng kanyang mga tauhan.

Kinilala ang mga napatay na sina Zypol Nilong at Salahudin Usman, kapwa nasa ilalim ng pamumuno ng isang Zaiden Jade Nilong alias Aliboy mula sa DI- Maguid Group.

Sa pahayag ni Lt.Col. Raymond Rapi, Commanding Officer ng 1st Scout Ranger Battalion ay maikli lamang ang naganap na engkuwentro na nagresulta ng pagkakakumpiska ng dalawang M16 rifles.

Habang patuloy pa ang ginagawang pagtugis sa mga tumatakas na kalaban na umatras patungong hilagang direksyon makaraang abandonahin ang mga nasawing kasamahan. VERLIN RUIZ