MARIING kinondena ng Malakanyang ang ginawang pag-atake noong Lunes ng umaga ng mga armadong kalalakihan sa opisina ng pahayagang Abante sa Parañaque City.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, inatasan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga awtoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente at papanagutin ang mga mapapatunayang sangkot sa naturang insidente.
“We’d like to condemn the assault on this Abante printing press shop. We cannot allow this thing to happen against any member of the Fourth State,” wika ni Panelo.
Nauna rito ay kumilos na rin ang Presidential Task Force on Media Security sa pangunguna ni Undersecretary Joel Egco upang alamin at tukuyin ang mga nasa likod ng insidente.
Ayon kay Fernando Jadulco, managing editor ng Abante, apat na armadong kalalakihan na naka-hoodie ang sapilitang pumasok sa kanilang planta at nagbuhos ng gasolina sa kanilang mga printing machine at supplies sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling araw noong Lunes.
Sinabi ni Jadulco na dalawang staff ng kanilang opisina ang nasaktan sa limang minutong insidente.
Sinabi pa ni Jadulco na ito ang kauna-unahang maituturing na violent act laban sa kanilang kompanya mula nang magsimulang maglathala noong 1987.
“We will not be cowed by this attempt to strike fear into our reporters, editors and staff. Our commitment to hard-hitting journal-ism remains unshaken,” dagdag pa ni Jadulco. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.