PAG-BAN SA CAROLING (Napagkaisahan ng Metro mayors)

caroling

INIHAYAG kahapon ni Metro Manila Council (MMC) at Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez ang pag-ban sa nakaugaliang pagsasagawa ng caroling upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sinabi ni Olivarez na ang lahat ng mayors ng bawat lungsod sa Metro Manila ay nagkaisa na maglabas ng isang executive order na tumu-tugma rin sa naunang kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) tungkol sa pag-ban ng pangangaroling na kalimitang sinisimulan ng Disyembre 16 ng gabi hanggang Disyembre 23.

“Naglabas na kami ng executive order na walang physical caroling na mangyayari dito sa darating na Kapaskuhan,” ani Olivarez sa kanyang panayam.

Ayon kay Olivarez, kanila ring ipinapakiusap sa mga pribadong sektor na pansamantalang huwag  magsagawa ng mga tradisyonal na kaganapan tuwing dumarating ang Kapaskuhan at pinaalalahanan din nito na ang mga salo-salo sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ay pinapayagan ng hanggang 10 katao lamang.

Naglabas na rin ng advisory ang gobyerno, ayon kay Olivarez, tungkol sa selebrasyon ng Kapaskuhan na limitahan na lamang para sa mga miyembro ng pamilya.

Idinagdag pa ni Olivarez na bubuo siya ng isang task force na magmo-monitor sa no-caroling policy.

Kasabay nito ay inatasan din ng alkalde ang mga opisyal ng mga village na bantayan ang mga nangangaroling sa kanilang mga lugar na nasasakupan. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.